Ang blog na ito ay Rated G. Ito ay puwede sa lahat ng mambabasa.

Saturday, December 31

Mag-earphones ka!


Ang pinakaayaw ko sa lahat tuwing nasa loob ako ng bus ay kapag may isang kapwa pasahero na nagpapatugtog ng tagalog rap songs sa cellphone nang naka-loudspeaker.


Ito 'yung tipo ng tagalog rap songs na madalas ay pag-ibig ang tema. Kasawian, katangahan, kataksilan, at kung anu-ano pang may kinalaman sa pag-ibig ang kadalasang subject ng kanilang rap. May ilang hango sa mga lumang kanta ang chorus ng kanta. Minsan nama'y English o Japanese ang chorus na kinakanta ng babae o bata. Sila ata 'yung descendants ng Salbakuta.

Madalas ko kasi itong marinig sa mga kabataang tambay dito sa lugar namin. Kung hindi mo alam ang tinutukoy ko, mapalad ka, kapatid!

Nasisira ang aking masayang bus ride pag may pasaherong nagpapatugtog sa cellphone nang naka-loudspeaker. Papansin ang tingin ko sa mga taong ganito. Hindi ka naman radio station pero daig mo pa ang naka-broadcast. Bakit kailangan mo pang iparinig sa madla kung ano ang pinapakinggan mong kanta? Akala mo ba gusto ng lahat ang ano mang gusto mo? Tutal naman cellphone at playlist mo yan, ikaw na lang ang makinig. Wag mo na kaming idamay.

Mag-earphones ka!

: |

Thursday, December 22

Metro Manila Film Festival 2011 Official Entries

Enteng Ng Ina Mo
Directed by Tony Y. Reyes
Star Cinema, OctoArts Films, M-Zet Films, and APT Entertainment



Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story
Directed by Tikoy Aguiluz
Viva Films and Scenema Concept International 



My Househusband, Ikaw Na!
Directed by Joey Reyes
OctoArts Films



Panday 2
Directed by Mac Alejandre
Imus Productions and GMA Films



Segunda Mano
Directed by Joyce Bernal
Star Cinema and MJM Productions



Shake, Rattle and Roll 13
Episode 1: Tamawo - Directed by Richard Somes
Episode 2: Parola - Directed by Jerrold Tarog
Episode 3: Rain Rain Go Away - Directed by Chris Martinez
Regal Entertainment, Inc.



Yesterday Today Tomorrow
Directed by Jun Lana
Regal Films




Kaya naman lahat ng mga Kapamilya, Kapatid, Kapuso, at Kabarkada, pumila na sa mga sinehan simula December 25, 2011! Enjoy!
: )

Wednesday, November 30

Regalong Nakakaiyak


May nagregalo na ba sa'yo ng panyo? Kung oo, anong naisip mo nang matanggap mo ang regalong ito?
A) Natuwa
B) Naiyak
C) Nakow! Siguradong paiiyakin ako ng taong iyon sa hinaharap!

Kung letter C ang sagot mo, basahin mo ang susunod na kwento. Kung A o B naman ang iyong sagot, basahin mo na rin ang kwento para masaya.

Noong unang panahon, may isang lalaking 4th year high school student na nakikipagbiruan sa isa sa mga kaklase niyang babae. Sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap, isang nakakahiyang pangyayari ang naganap.

Habang tumatawa ang lalaki, bigla na lamang siyang napasinga ng sipon. Yaks. Hindi niya napigilan ang bumabarang malapot na likido sa kanyang paghinga. Dali-dali niyang kinuha ang panyo mula sa kanyang bulsa at pinunasan ang nakakadiring bagay sa dalawang butas ng ilong niya.

Naglaho naman ang ngiti ng kausap niyang dilag at agad umalis sa kanyang harapan. Syet. Sana'y kinain na lang siya ng lupa kaysa nakita ng dalaga ang kanyang kahihiyan.

Nang sumapit ang Christmas party ng kanilang klase, nakatanggap ng regalo ang lalaki mula sa dalagang saksi sa nagawa niyang krimen. Hindi niya inaasahan ang laman ng regalong bigay sa kanya ng dalaga. Isang bagay na nagpatunay na hindi lahat ng taong nireregaluhan ng ganito ay paiiyakin ng taong nagbigay nito: isang panyo.

Wasak. Este, Wakas.

Ayan mga bata, ngayon ay alam na ninyo na hindi porke't niregaluhan ka ng panyo ng isang tao ay paiiyakin ka ng taong iyon sa hinaharap. Huwag basta-bastang maniniwala sa sabi-sabi dahil ang taong madaling maniwala sa sabi-sabi, chismoso.

...


Sa tuwing nagagamit ng lalaki ang panyong iyon, napapangiti na lamang siya pagkat kanyang naaalala ang isa sa mga nakakahiyang pangyayari sa buhay niya.


: )

Baluktot Na Daan


Dito sa lugar namin, ganito ang napansin kong pinagdaraanan ng sementong kalsada ng Quirino Highway:

Kapag ang sementong kalsada ay may bitak na, lalapatan ito ng aspalto. Kapag nagkaroon na ng bitak o parang napudpod na ang aspalto, bubungkalin ito pati ang semento sa ilalim nito at matapos patagin ang lupa, bubuhusan na ito ng semento. Kapag natuyo na ang semento, lalapatan naman ito ng aspalto. Kapag nagkaroon naman ng bitak o parang napudpod na ang aspalto, bubungkalin na naman ito, pati ang semento sa ilalim nito upang lagyan ng bagong semento. Kapag may bitak na naman ang kalsadang semento, basahin mo na lang ulit ang paragraph na ito.


Hindi ko alam kung kagagawan ito ng mga dumadaang malalaking truck ng semento o sadyang substandard lang talaga ang materyales na ginamit sa kalsadang ito. Pareho man ang dahilan, perwisyo ang siguradong hatid nito sa aming mga taga-Bulacan. Dyan sa inyo, ganito rin ba ang sitwasyon ng inyong kalsada?

Hindi ba nila pwedeng ayusin ang pagpili sa matinong contractor na gagawa ng ganitong proyekto? Ayaw ba nila ng matagalang solusyon sa problemang paulit-ulit na umuusbong? Sabagay, sa bawat proyekto ng local government tulad nito, may budget na makakaltasan ang buwayang kurakot. Hay buhay! Sila dapat ang binunungkal sa pwesto nila e.

Kailan ba natin madaraanan ang matibay at tuwid na daan?

: |

Sports News?


Bukod sa nakakasawang showbiz balita, isa pang bagay na dismayado ako sa nightly TV newscast dito sa Pilipinas ay ang sports news.


Puro na lang kasi si Manny Pacquiao at mga artistahing atleta ang laman ng kanilang balitang pampalakasan. Paano naman 'yung iba? Madalas pang tuwing may laban lang si Pacquiao at ang Azkals nabubuhay ang sports news sa TV Patrol at 24 Oras. Wala silang balita sa iba pang Pilipinong atleta sa iba't ibang larangan ng pampalakasan na lumalahok sa mga patimpalak dito at sa ibang bansa.

Kaya naman kung gusto mo talagang malaman ang mga pinakabagong balita sa mundo ng pampalakasan, manood ka na lang sa sports channel o magbasa sa sports section ng dyaryo dahil wala tayong maaasahang regular sports news sa local nightly TV newscast.

: |

Gloria Resign!


Halos anim na buwan na raw pabalik-balik sa ospital si Rep. Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa umano'y kanyang mga sakit. Dahil dito, ilang buwan na rin siyang absent sa Kongreso. Naisip ko lang, paano na ang kanyang mga nasasakupan?


Bakit hindi na lang mag-resign si Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at hayaang may pumalit sa pwesto niya upang maipagpatuloy ang pagseserbisyo (kung meron man) sa mga nasasakupan ng kanyang posisyon. Tutukan na lamang niya ang kanyang kalusugan para siya'y gumaling na at harapin nang personal ang mga kaso laban sa kanya.

: )

Monday, November 28

Unlimited Rice

Noong sumikat ang Mang Inasal dahil sa kanilang unlimited rice, akala ko'y gagayahin na rin ito ng mga nangungunang food chains sa bansa. Ngunit hindi ito nangyari. Hay.

Nang sakupin ng Jollibee ang Mang Inasal noong nakaraang taon, akala ko'y magiging unlimited rice na rin ang paborito kong 2 pcs. burgersteak meal. Pero hindi pa rin ito nangyari. Hay naku.

Kanin na nga lang, ipinagkakait pa? Bakit ba hindi nila maipatupad ang unlimited rice scheme? Mamumulubi ba sila pag nag-unlimited rice sila? Ang Mang Inasal nga ilang taon nang may unlimited rice pero kita naman natin ang patuloy pa nitong paglaki. Samantalang 'yung mga mas kilala at 'di hamak na mas big time na food chains sa bansa (ehem, Jollibee, ehem, Mcdonald's) ay hindi man lamang ito magawa! Sa isang rice meal, isang cup rin lang ang kanin. Buti pa 'yung Bento, kumpleto.

Alam naman nating malakas sa kanin ang mga kababayan natin. Kaya para sa kapakanan ng mga gutom na tiyan, nananawagan ako sa lahat ng food chains at restaurants dito sa Pilipinas na gawing rice-all-you-can-eat ang kanilang rice meals! Pero dapat walang price increase!

Mas enjoy ang Chickenjoy kapag kanin ay 'di bitin. Ipaglaban ang karapatan mong mag-kanin! Kaya't sabay-sabay nating isigaw ang sigaw ng bayan:

Kanin! Kanin! Kanin!

: )

Sunday, September 11

Zombadings: AWAAARD!

Kung naghahanap ka ng maganda at masayang pelikula, manood ka ng Zombadings 1: Patayin sa Shokot si Remington!


Una kong narinig ang Zombadings sa kainitan ng Cinemalaya 2011. Kahit tunog horror, comedy film pala ito. Napanood ko ang trailer sa isang post ng kaibigan sa facebook at nagbasa rin ako ng ilang reviews tungkol sa pelikula. Dahil dito, nagka-interes akong panoorin ang Zombadings. Buti na lamang, tulad ng Ang Babae sa Septic Tank, nalaman kong ipapalabas rin ito commercially.


Sa wakas, napanood ko rin ito kagabi kahit last week ko pa ito gustong panoorin. Wala kasi akong makuhang kasamang manood last week e. Buti na lang at natuloy kami ng aking mga kaibigan kagabi. Ang saya-saya! Kaya hindi pa huli ang lahat para sa gustong manood ng Zombadings!

Pero syempre, meron pa rin tayong mga kababayan na hindi ito panonoorin over their dead body dahil sa tema ng pelikula. Kung iniisip mong para sa mga bakla lang ang pelikulang ito, nagkakamali ka. Kung iniisip mong sayang sa pera ang pelikulang ito, nagkakamali ka rin. Kung iniisip mong kasing corny ng typical Pinoy comedy films ang pelikulang ito, nagkakamali ka na naman. At kung iniisip mong walang halagang panoorin ang pelikulang ito, isa kang malaking pagkakamali!

Una sa lahat, lalung-lalo na para sa mga lalaki, hindi nakakabakla ang pelikulang ito. Oo nga't ang tema ay medyo bading pero hindi kasing bading ng Justin Bieber movie. Uulitin ko, hindi ka mababakla pag pinanood mo ito. Matatawa ka lang. Hindi ka rin pwedeng tawaging bading dahil lang nanood ka ng Zombadings. Ang babaw masyado. Pero pag lumabas ka sa sinehan na nagsasayaw ala-Remington, confirmed ka malamang, in denial lang.

 
Pangalawa, hindi sayang ang pera sa pelikulang ito lalo na kung kaya mong gumastos ng 3D movie. Suportahan naman natin ang local films, wag lang tuwing MMFF at may pelikula si Bossing.

Pangatlo, hindi ito tulad ng mga typical Pinoy comedy films na usong-uso noong '90s na ngayo'y pinapalabas sa tv tuwing hapon. Ibahin mo ang pelikulang ito. Maraming nakakatawang eksena pero hindi dahil sa katangahan ng mga tauhan. Magaling ang pag-arte ng mga artista lalo na sina Martin Escudero (award!), Roderick Paulate at Eugene Domingo (kahit kaunti lamang ang eksena nilang dalawa). Magaling rin ang pagkakagawa ng script at nalaman ko pa ngang ilang beses na binago ang gay lingo lines dahil mabilis raw kasi itong mag-evolve.

At huli, hindi dapat balewalain ang Zombadings. Hindi ito yung tipo ng pelikulang ginawa lang para pagkakitaan. Hindi ito basura. Respeto sa kapwa (maging ano pa siya) ang isang aral na dala nito. Wala kang karapatang husgahan ang iba dahil lang iba siya. Kaya bago mo husgahan ang pelikulang ito dahil lang sa kakaibang title at tema nito, panoorin mo muna.


Anyway, para sa mga hindi pa nakakapanood, ang pelikulang ito ay tungkol kay Remington (Martin Escudero) na hindi maganda ang pakikitungo sa mga bakla noong siya'y bata pa. Nakahanap siya ng katapat na bakla (Roderick Paulate) at siya'y isinumpang magiging bakla rin paglaki. Lumipas ang 15 taon at nagkaroon ng sunod-sunod na patayan ng mga bading sa kanilang lugar. Nagsimula ring umipekto ang sumpa kay Remington na tuluyang bumago sa takbo ng kanyang buhay. Kung sino ang nasa likod ng misteryong pagpatay at kung paano matatanggal ang sumpa kay Remington, nasa sinehan ang mga kasagutan. Kaya buy your tickets now!

Panoorin mo na kung hindi mo pa napapanood. Sulit ang bayad dahil busog ka sa tawa. Ito ay rated PG-13 ng MTRCB dahil siguro sa isang eksenang maaaring magdulot ng awkward moment sa mga may kasamang bata at isip-bata. Ngunit sa kabuuan, maganda at masaya ang pelikula.

Kaya muli, sa mga hindi pa nakakapanood nito, inaanyayahan ko kayong sumugod sa pinakamalapit na sinehan at manood ng Zombadings 1: Patayin sa Shokot si Remington. Isama ang buong barkada para mas masaya! Hindi pa huli ang lahat kaya gorah na!

: )

Monday, September 5

Pasko, Pasko, Pasko na namang muli

Kaninang umaga, pagsakay ko ng ordinary bus, agad kong napansin ang tatlong maliliit na parol na kulay dark green na nakasabit sa bandang itaas ng driver. Naisip ko na lang, ang aga naman nilang magkabit ng parol. Pero sabagay, simula na kasi ng "Ber" months. Kulang na nga lang Christmas songs sa stereo ng bus.

Ngunit habang tinitingnan ko ang mga nakasabit na parol, bigla akong napangiti dahil nakita kong makapal na alikabok pala ang nagpa-dark sa dati'y kulay berdeng mga parol. Ibig sabihin, matagal na palang nakasabit ang mga yun doon. Langya, mas malala pa pala sila sa amin. Kahit Holy Week na, mukhang Pasko pa rin sa bahay namin. Kung di pa mag-utos si Mami, wala pang magliligpit ng mga nakasabit. Hhmm... Wag na lang kaya kami magkabit ng Christmas decors ngayon para walang dapat ligpitin next year?

Hanggang ngayon, iniisip ko pa rin kung gaano na katagal na nakasabit ang tatlong dark green na parol doon sa bus. Ilang Pasko na kaya ang nasaksihan nun? Nakalimutan ko kasing itanong sa kunduktor kanina. Sana sa susunod may tumutunog na Christmas lights na. Araw-araw pa namang Pasko sa bus na yun.

: )

Tuesday, August 23

Maddi Jane - Secrets (One Republic)

Eto na pala ang kasunod! Maganda naman ang version ni Maddi Jane pero mas gusto ko pa rin yung sa OneRepublic.


: )

Thursday, August 18

Vrum! Vrum!

Motorsiklo na raw ang bagong hari ng kalsada. Ito ang titulong hawak dati ng mga jeepney. Bigla kasing nagsulputang parang kabute ang mga nagbebenta ng murang motorsiklo kaya ang resulta: lomobong parang populasyon ng Pilipinas ang bilang ng mga motorsiklo sa daan. Gagaya na ba tayo sa Thailand?
Pero ang nakakabahala lamang, ginagamit rin ito ng mga kawatan sa kanilang masasamang gawain. Nandyan yung mga "riding-in-tandem" na nang-aagaw ng cellphone at bag o kaya'y mas malalang krimen tulad ng armed robbery at carjacking. Madali kasing makatakas ang mga kriminal gamit ang motorsiklo dahil mabilis ito. Kaya rin nitong mag-overtake o sumingit sa pagitan ng ibang sasakyan lalo na kung magaling magmaneho si gago. Kaya madalas, hindi nasasakote ng mga pulis ang mga tarantado.
Ang isa pang problemang dulot ng pagdami ng motorsiklo ay ang pagtaas ng kaso ng aksidenteng sangkot ang bagong hari ng kalsada. Masuwerte kung galos at konting sugat lamang ang tinamo ng naaksidente sa motor dahil sa pagkakaalam ko, marami dito ang namamatay on the spot. Karamihan kasi ng mga namamatay sa aksidenteng kinasasangkutan ng mga motorsiklo ay dahil sa hindi pagsusuot ng matigas na helmet. Marami kasing matitigas ang ulo na sadyang binabalewala ang paggamit nito. Ang iba'y mayroon namang suot pero pang-scooter nga lang. Ngunit balewala rin ang tigas ng kanilang ulo kapag sila'y minalas na maaksidente sa daan. Kahit sinong tumilapon sa ere at bumagsak sa matigas na semento, kahit gaano pa katigas ang ulo ay siguradong mababasag ang bungo kapag helmet ay hindi suot. Laman na agad ng news programs mamaya at laman pa ng tabloid bukas. Ngayon, ayaw mo pa rin bang magsuot ng helmet?
Wala namang masama sa pagmo-motor kung hindi tarantado ang nagpapaandar nito. Walang maaaksidente kung tamang disiplina ang nangingibawbaw sa kalsada. At wala ring mawawala kung uunahin lagi ang kaligtasan.
: )

Monday, August 15

Top 10 Texts Received After the UPCAT

Nagbabasa ako ng Inquirer kanina nang makita ko ito sa Learning section. Natuwa lang ako sa lahat maliban sa #1 kaya naman naisipan kong hanapin ang source nito at i-post dito. Anyway, eto na ang Top 10 Texts Received After the UPCAT ayon sa Diliman Republic.

#10 - Ma, tapos na ako. Anong eskwela na nga ba yung sinasabi mong may BS Vulcanizing?

#9 - Inay, wala naman po daw na exam dito sa Annex Bldg. Tama po ba - SM North Annex?

#8 - Dad, finished with the UPCAT na. Good news!! Will go to Ateneo just like you.

#7 - Ma, classroom ba 'to o bodega?

#6 - Mom, finish na ako and I mean "I'M FINISHED".

#5 - Mommy, hindi ko natapos ang exam. Nakabagal yung pinabaon nyong butong pakwan.

#4 - Itay, tapos na ako. OK lang, wala naman palang aircon mga classrooms dito. Hmp!

#3 - Ate, mukhang masasayang ang pag-memorize natin ng UP Naming Mahal.

#2 - Pa, tapos na ako. Gusto ko na umuwi, kaso paikot-ikot lang -tong jeep na nasakyan ko.


And the #1 text received after the UPCAT was:

Ma, tapos na. Ang dali lang!! Kita na tayo sa Store #35 sa Diliman Republic. Bili mo na ako ng hoodie!

-mula sa Diliman Republic facebook page.

: )

Saturday, August 6

O, MRT 7, ano nang nangyari sa'yo?

Noong Biyernes, bigla ko na namang naalala ang MRT 7. 2007 pa nang una kong mabalitaan ang MRT 7 project pero anong petsa na? 2011 na! At kahit ni isang malalim na hukay sa center island sa Commonwealth Avenue ay wala pa akong nakikita. Akala ko nga dati ay parte ng MRT 7 project yung nakita kong hinuhukay sa bandang Tandang Sora noon. Yun pala, C5 extension. O, MRT 7, ano nang nangyari sa'yo?

Sa pagkaakaalam ko, ang MRT 7 project ay may 14 stations na magsisimula sa North EDSA at tatahakin ang kahabaan ng Commonwealth saka bahagyang dadaan sa Caloocan at matatapos sa San Jose del Monte, Bulacan. Ito ang dahilan kaya matagal ko na itong hinihintay. Sa Bulacan kasi ako nakatira. At kagabi nga, sa kagustuhan kong malaman kung kailan ba talaga ito sisimulan, nakahanap ako ng latest article tungkol sa MRT 7.

Ayon dito, bago matapos ang taong ito ay sisimulan na ang paggawa nito at sa 2014 pa magbubukas sa publiko. Ang tagal! Pero sa ginawang pagpapalawak sa Commonwealth Avenue, sigurado akong hindi na magiging masyadong malala ang daloy ng trapiko sa oras na simulan ang construction ng pinakahihintay kong MRT 7. Kung sa Maynila nga ay nakapagtayo sila ng LRT sa maliit na highway, sa Commonwealth pa kaya? Sa lawak ng Commonwealth ngayon, para na itong runway. Yung mga bus na dumadaan nga dito ay piloto yata ang nagmamaneho. Kulang na lang ay lumipad yung bus sa tulin ng pagharurot. Kaya kapag may pasaway na jaywalker na inabot ng malas, tiyak na hindi na siya aabutin ng bukas.

Hay, sa 2014 pa pala. Matagal pa akong maghihintay. Sana naman ay masimulan na sa lalong madaling panahon ang MRT 7 dahil nais kong makasakay dito bago pa kunin ni Lord ang mag-asawang Arroyo.

: )

Saturday, July 30

Planking

Ngayong linggo lang, tatlong beses akong nakakita ng mga taong nagpa-planking. Nakakatawa sila hindi dahil nakakaaliw ang mga pinaggagagawa nila kundi dahil mukha silang tanga.
Ang planking ay isang gawain kung saan ang planker o taong nagpa-planking ay nagpapakuha ng litrato sa iba't ibang lugar habang nakadapa upang magmukhang plank. Bukod sa planking, mayroon ding owling kung saan owl naman ang ginagaya. Ayon kay Wikipedia, ang planking ay nagsimula noong 1994 o 1997.
At dahil mahilig makiuso ang ilan nating kababayan sa kung ano mang nauuso sa ibang bansa, may mga plankers na rin sa Pilipinas. Nagkalat ang mga litrato nila sa Internet lalo na sa social networking sites tulad ng Facebook. Akala kasi nila, "cool" ito gawin. Tipong "in" sila pag sila'y nag-planking. Pero ang totoo, mukha silang tanga. Ito na nga ang papalit sa mga jejemon.
Anyway, sa mga plankers dyan na hindi talaga maawat at gusto ng unique na planking, bakit hindi mo gayahin yung ginawa ng taong nasa video clip sa ibaba? Tutal hindi siya nagtagumpay at baka ikaw ang makagawa.

Kung hindi mo naman kaya yan, subukan mo kayang mag-planking sa simbahan? O kaya sa may putikan? O kaya sa inidoro? O kaya sa basurahan? O kaya naman sa bubog? O kaya sa nagbabagang uling? O kaya sa kahabaan ng Commonwealth at EDSA? O kaya naman sa sementeryo? O di kaya'y sa loob ng kabaong? Tapos i-upload mo agad sa Internet. Malay mo may makapansin sa ginawa mong kahihiyan at makatanggap ka ng papuri at sangkatutak na panlalait.
: )

Sunday, July 17

Mischief Managed!

Matapos ang walong buwang paghihintay, sa wakas ay nandito na rin ang Part 2 ng Harry Potter and the Deathly Hallows. Sa sobrang excitement, pinamadali ko pa ang kapatid ko para lang maabutan yung 11:10 AM, pero dahil nasa dugo namin ang JASMS, di namin ito inabutan. Buti na lang may 11:40 AM dun sa isang theater. Anyway, pagpasok ko ng sinehan, sabi ko sa sarili ko, "It all ends now!"
: )
After 130 minutes sa aking kinauupuan, ang nasabi ko na lang, "That's it?"
: |
Naiintindihan kong hindi lahat ng mga nakasaad sa libro ay lalabas sa movie adaptation nito. May mga detalye talagang matatanggal pero dapat maiwan yung mga importanteng bagay. Ngunit sa kaso ng 7.2, talagang may natanggal na mga importanteng detalye! Ang bilis pa ng mga pangyayari! But wait, there's more!
Una sa listahan ng mga hindi ko nagustuhan sa 7.2 ay ang Chamber of Secrets scene. Bakit pa ito dinagdag kung yun lang ang nangyari?! Bakit?! Pangalawa, bitin na bitin ako sa fight scenes. Bakit kulang sa aksyon?! Bakit?! Pangatlo, ang nakakainis na katapusan ni Bellatrix Lestrange. Bakit sumabog si Bellatrix?! Bakit?! Pang-apat, kung sisirain rin lang pala yung Elder Wand, sana nadurog na lang ito sa final duel nila Harry at Voldemort. Bakit pinutol?! Bakit?! At huli, parang walang dating yung epilogue. Di ba dapat makulit si James? At bakit masyadong seryoso si Al? Bakit nagkaganoon sila?! Bakit?!
Sa kabuuan, ayos lang yung pelikula. Ayos lang. Hindi maganda, hindi pangit. Ayos lang. Ang nagustuhan ko lang talaga ay ang kwento ni Snape, kahit bitin. Muntik pa nga akong maluha, seryoso. Sana yun na lang ang dinagdagan nila ng eksena.
Masyado siguro akong nag-expect. Pero masisisi mo ba ako? Matagal ko itong hinintay e! Naalala ko tuloy yung Goblet of Fire. Deathly Hallows Part 2 na nga ang pinakahuli sa film series na ito tapos ganito pa ang kinahinatnan. Bakit ganun?! Bakit?!
: (

Tuesday, July 12

Greet All You Can

TANONG: Sa lahat ng local programs sa bansa na hindi news o drama series, ano ang isang bagay na kapansin-pansing pagkakapareho ng mga ito?
SAGOT: Ang batian portion.
Wala namang masama kung bumati at magpasalamat ka sa iyong mga kamag-anak, kaibigan, tagahanga, at sponsors... kung sa dulo ng programa mo ito gagawin. Nakakainis kasi minsan na habang enjoy ka sa panonood ng isang programa ay bigla na lang babati at magpapasalamat yung hosts sa kung sinu-sinong nilalang. At mas nakakainis pa kapag mahaba ang kanilang listahan. Akala mo kandidato sa halalan.
Kung ganyan rin lang pala, gumawa na lang sila ng show kung saan ang tanging gagawin ng hosts, guests, at audience ay bumati nang bumati sa lahat ng kanilang family, friends, fans, and sponsors hanggang ma-cancel ang show. At ang title ng show na ito ay...


BATIAN NA!
Coming Soon
: )

Wednesday, July 6

Byaheng 90's


Kaninang umaga, pagsakay ko ng ordinary bus ay agad kong narinig ang hindi napapanahong tugtugin ng 1990's. Hindi ito mula sa isang radio station dahil walang nagsalitang nakakairitang DJ. Natuwa ako dahil matagal ko nang hindi naririnig ang mga napakinggan kong kanta kanina. Napakanta ako sa halos lahat ng kanta nila Ariel Rivera, Dingdong Avanzado, April Boy, Roselle Nava, Carol Banawa, Gary V., Freestyle, Side A, at marami pang ibang hindi ko na maalala ang kumanta. Naalala ko tuloy na madalas kong marinig ang mga kantang 'yan sa radyo noong bata pa ako. Ang nakakainis lang kanina, hindi buo lahat ng narinig kong kanta! Mula 1st verse hanggang end of chorus lang and then next song na agad! Lintek 'yung nag-burn ng CD! Kung kumpleto lang 'yung mga kanta kanina, mas masaya sana. Nabitin ako e. Ayaw ko pa namang nabibitin.
Paminsan-minsan, subukan ninyong makinig ng mga kantang napapakinggan ninyo noong kayo'y bata pa lalo na ang OPM. Sa halos isang oras kong byahe kanina, sandali akong bumalik sa pagkabata. Marami tayong magagandang tugtugin noon na hindi dapat nababaon sa limot ngayon. Mabuti nga't may naririnig pa akong mga lumang OPM songs sa radyo ng mga pampublikong sasakyan. Hinding-hindi ko tatawaging laos ang mga kantang ito. Mas laos ang mga taong lumilimot dito.
Para sa akin, mas malaman ang mga kanta noon kaysa mga usong tugtugin ngayon. Kung tutuusin nga, mas may kwenta pa 'yung mga OPM songs noong 90's kaysa mga kanta ni Justin Bieber.
: )

Tuesday, May 31

Maanghang

Kahapon, may nakita akong bumili sa kapit-bahay namin...

BOY: Pabili ngang kikiam, sampung piso.
NAGTITINDA: Anong sauce?
BOY: Maanghang.
NAGTITINDA: Maanghang? Hot sauce?
BOY: Wag yun, maanghang yun.

Anlabo.

: )

Saturday, May 28

Bye Bye Summer

Ayon sa PAGASA, opisyal nang nagsimula ang rainy season sa bansa. Bye bye summer na muna, next year ulit. Pero alam naman nating lahat na likas na mainit sa Pilipinas kaya parang hindi rin natatapos ang summer. Mapapadalas nga lamang ang ulan sa mga darating na araw.

At dahil rainy season na naman, maaari na naman tayong makaranas ng walang habas na pag-ulan dulot ng mga suki nating bagyo mula sa dagat Pacifico. Kaya dapat ay natuto na at handang-handa na ang ating national and local governments, pati na rin ang mga kababayan natin sakali man (pero wag naman sana) muling bayuhin ang bansa ng mga bagyong kamag-anak ni Ondoy.

Ang kagandahan lang kapag ganitong rainy season, lumalamig ang panahon. Masarap matulog kahit hindi gabi.

: )

Thursday, May 26

The Biggest Loser: Pinoy Edition

Sa tagal ng aking paghihintay, sa wakas ay malapit nang magsimula ang The Biggest Loser: Pinoy Edition! Ilang buwan ko na ring inaabangan ang programang ito at sa awa ng management, mapapanood na ito sa Lunes ng gabi.

Pero may isang concern lang ako sa programang ito. Sana lang ay huwag masyadong maging madrama ang local version ng The Biggest Loser. Yung tamang drama lang, wag hardcore. Base kasi sa ilang teaser nito, halos lahat ng contestants ay may madramang kwento sa buhay na siguradong gagamitin sa programa. Sawa na ako sa mga mada-dramang teleserye sa primetime. Hayaan na natin sa kanila ang drama. Dapat ay mas mag-focus ang programa sa pagbabawas ng timbang ng mga kalahok at mga bagay na matututunan ng mga manonood dito.

Oo nga pala, si Sharon pala talaga ang host ng The Biggest Loser. Bagay na bagay. Kaya naman sa palagay ko kapag natapos ang buong programa, tulad ng contestants ay dapat nabawasan na rin siya ng timbang. Nakakatawa naman kung walang nagbago sa katawan niya after 4 months, di ba?

: )

Thursday, May 19

Baka tamaan ng kidlat

Tuwing kumukulog o kumikidlat, bukod sa kailangan patayin ang TV at PC ay kailangan rin i-unplug ang cables ng super antenna (Yes, hindi kami naka-cable TV dahil hindi kami mayaman)at ng modem (Yes, may PC sa bahay pero hindi pa rin kami mayaman) dito sa bahay. Bakit? Dahil baka tamaan ng kidlat yung antenna o kable sa mga poste. Pero bukod pa dyan, may isa namang kakaibang ginagawa ang aking Tatay dito sa bahay kapag nagwawala ang kalangitan. Itinatago o tinatakpan niya ang mga salamin (mirror) gamit ang anumang tela tulad ng towel. Bakit daw? Kasi baka tamaan daw ng kidlat yung salamin. Weird.
Hindi ko alam kung sinong hudas ang nag-imbentong lapitin ng kidlat ang mga salamin. Kahit kasi sa probinsya namin, ginagawa yun kapag kumukulog at kumikidlat sa kasagsagan ng ulan. Yung antenna at mga kable sa poste, matatanggap ko pang posibleng tamaan ng kidlat. Pero yung salamin?! Anong koneksyon? Teka, hindi kaya iisa lang ang nag-imbento nito at ang nagpauso ng mga out-of-this-world pamihiin sa mga baryo? Kung buhay pa siya, sana tamaan siya ng kidlat!
At dahil umulan kagabi, hindi tuloy namin natapos yung episode 12 ng My Girlfriend is a Gumiho. Tapos na mag-buffer yun e! Kainis!
: (

Bagong roaming number


"Musta na kayo dyan? Eto na pala bagong roaming number ko, na-sim block yung dati kong number. Miss you all. Reply asap."
Nakatanggap ka na ba ng ganyang text message from an unknown sender? Ako, oo at maraming beses na. Scam yan pero nakakabahalang may nahuhulog pa rin sa ganitong uri ng patibong. Libo-libong piso ang tinatayang natatangay ng mga kawatan sa ganitong panloloko. Kaya naman para sa kaalaman ng mga hindi pa nakakaalam, ipapaalam ko sa inyo ang modus ng ganitong panloloko upang hindi mabansagang walang alam.
Gamit ang text message sa itaas, magpapanggap ang kawatan bilang isang kamag-anak na nasa ibang bansa. Kapag kumagat sa pain ang biktima at naniwalang kamag-anak nga ang ka-text, aalukin ito ng kawatan sa isang business partnership na siguradong malaki raw ang kita. Kadalasan humihingi ang kawatan ng sangkatutak na prepaid card pin numbers upang ibenta raw nang mas mahal sa mga kasamahang Pilipino dahil doon raw sa kanilang kinalalagyan ay walang nagbebenta ng prepaid cards. Kapag na-enganyo ang biktima ay siguradong susunod ito sa pinapagawa ng inakalang kamag-anak sa paniniwalang malaki ang kikitaing salapi. Ngunit huli na ang lahat pag nalaman ng biktima na naloko pala ito.
Tanong: Paano ko nalaman ito?
Sagot: Sinubukan kong sakyan yung isang nag-send sa akin ng ganyang text message at sa pang-apat na text nya, business na agad ang alok. Pinangalanan ko siyang Kuya Bogart na isang seaman sa Somalia.
Tanong ulit: Paano nakukuha ng kawatan ang cellphone number ng kanyang mga biktima?
Sagot: Hindi ko alam. Pwedeng hinulaan. Pwedeng nakuha sa loading stations. Pwedeng sa likod ng upuan sa bus. At pwede rin namang target na talaga ang biktima.
Ang mga manloloko, gagawin ang lahat para makapanloko. Maging maingat sana tayong lahat. Kaya naman kapag nakatanggap ng text message na katulad ng nasa itaas, huwag na magpaloko at agad mag-reply ng "I-ROAMING MO MUKHA MO! (pagmumura is highly recommended but optional)"

BONUS TEXT JOKE:
GF: Tawagan kita ulit mamaya, papatayin ko muna cellphone ko, nagloloko kasi eh..
BF: Mamatay ka na rin kaya tutal nagloloko ka rin naman.

: )

Saturday, April 30

SRP

Bumili ako ng fabric conditioner kanina sa tindahan. Ang nakita kong naka-print na presyo sa sachet ay P5 lang ngunit ang siningil sa akin ng tindera ay P6. Di na ko nakipagtalo, baka ako kasi ang matalo. Ganyan ang eksena sa tindihan, iba ang basa ng nagtitinda sa presyo ng kanyang binibenta.

Bukod sa fabric conditioner, nandyan rin ang budget/sakto packs ng sabong panlaba, shampoo, toothpaste, dishwashing liquid, seasoning granules, toyo, suka, patis, ketchup, sarsa, 3-in-1 coffee mix, coffee creamer, at kung anu-ano pang may naka-print na Suggested Retail Price o SRP sa pakete. Pati sa tansan at caps ng softdrinks may SRP rin.

Lahat kasi ng nagtitinda sa mga sari-sari store ay pinapatungan ang orihinal na presyo ng mga produktong kanilang tinitinda upang sila naman ay may kita. Natural lang yun. At dahil sa SRP, nasisiguro naman ng mga mamimili na hindi sobra-sobra ang sinisingil sa kanila ng nagtitinda. Pero weird pa rin dahil sobra ang bayad mo sa presyo ng binili mo.

Dapat kasi SRPR na lang. Suggested Retail Price Range. Kunwari, ang SRPR nung binili kong fabric conditioner ay P5-P6 para hindi na ako nagrereklamo. P5-P7 naman pag small bottle ng softdrinks. Di ba mas masaya yun?

: )

Wednesday, April 27

Ang kasalang pinakahihintay raw ng lahat


Bukod sa daily updates ng training ni Manny Pacquiao para sa nalalapit niyang laban sa May 8, sinimulan na rin last week ng Big 3 (ABS-CBN, GMA, at TV5) ang araw-araw at oras-oras na updates sa tinututukang kasalang royal nina Prince William at Kate Middleton na pinakahihintay raw ng buong mundo. Ahmm... Talaga? Basta ako, hindi kasama sa 'buong mundo' na yan.
Wala namang problema kung ibalita ng Big 3 na ikakasal na ang crown prince ng Great Britain. Tutal, balita naman talagang maituturing ito. Pero yung pagpapalabas nila ng maya't mayang updates, trivia, etc. about the royal wedding pati na rin ang full coverage nito sa April 29 ay sobra-sobra na! Bakit hindi nila tutukan ang ating mga mambabatas na parang walang naipapasang batas? Bakit hindi nila tutukan ang estado ng edukasyon dito sa bansa para matauhan ang mga kinauukulan? Bakit hindi nila tutukan ang mga proyekto (gobyerno man o pribadong sektor) na tumutulong sa ating mga kababayan sa loob at labas ng bansa? Bakit kasalang royal sa ibang bansa pa ang napag-tripan nilang tutukan?
Para bang pinipilit nila sa mga manonood na dapat pakatutukan ng sambayanan ang kasalang ito na sa palagay ko naman ay walang maitutulong sa problema natin sa mataas na presyo ng langis. Kung kasal siguro ni President Noynoy yan, malamang manonood ang ating mga kababayan. Yun nga lang, wala rin itong maitutulong sa mababang sahod ng mga manggagawa.
I have nothing against the royal couple. Gusto ko lang ayusin ng Big 3 ang kanilang paghahatid ng balita. Dapat ang impormasyong binibigay nila ay tama lang at hindi pilit na pilit. May ilan rin kasing international events na tinutukan ng Big 3 ang medyo hindi talaga angkop sa mga Pilipinong manonood. At sa palagay ko, dadagdag lamang sa listahang ito ang sinasabing Royal Wedding of the Century.
Muli, wala akong problema sa mga ikakasal. Hangad ko lang ang makabuluhang pagbabalita dito sa bansa. Para naman sa mga ikakasal, nawa'y maging masaya ang kanilang pagsasama pagkatapos ng engrandeng kasalan.
: )

Monday, April 25

Let's meat again

Sa wakas, natapos rin ang Semana Santa. Pwede na ulit mag-ulam ng pork, beef, at chicken! Pwede na ulit sa almusal ang lahat ng variants ng Lucky Me instant mami! Yehey!

Halos isang linggo rin na isda at gulay ang ulam namin. Yung pansahog sa gulay na pork giniling, pinalitan ng hinimay na gigi. Pati yung lumpia, bangus ang pinalaman. Ramdam na ramdam ko nga ang Semana Santa nitong nakaraang linggo e, hehe. Kapag ordinaryong araw kasi dito sa amin, ang madalas na handa sa hapag ay crispy pata, beef steak, at lechon manok. Pero syempre, joke lang yun. Tuwing may okasyon lang talaga lumilitaw ang mga yan sa lamesa namin. Ang totoong madalas sa amin: chicharon, corned beef, at neck-neck.

Wala naman talagang masama sa pagkain ng isda at gulay. Bukod sa pinasaya mo ang PETA, medyo naalagaan mo pa ang iyong kalusugan. Di hamak kasing mas masustansya itong kainin kaysa karne ng baboy, baka, at manok. Ayon rin sa food pyramid, dapat ay mas marami ang kinakain nating gulay kaysa karne. Dito nga sa bahay, tatlo hanggang limang beses sa isang linggo kung mag-ulam kami ng isda o gulay. Ayos na sana ito maliban sa paminsan-minsang pagluluto ni Papa ng kakaibang ulam na may gulay. Yung tipong hindi masustansya sa paningin. Kaya naman kapag isda o gulay ang niluluto niya, binibiro ko na lang ng "Biyernes Santo tayo ngayon a!" sabay smile.

Siguro kung may Semana Santa buwan-buwan, maraming Pilipino ang may malusog na pangangatawan.

: )

Saturday, April 23

Sunburn

Mahapdi pa rin ang likod ko. Kahit dalawang araw na ang nakakalipas nang mag-outing ang pamilya sa Adventure Resort ay mahapdi pa rin ang likod ko. Ang hirap tuloy matulog! Buti na lang yung pamumula ng mukha ko ay nawala na kahapon.

Hindi kasi ako nag-apply ng sunblock bago tumalon sa pool kaya ang resulta: mahapding sunburn sa likuran. Pati mga kapatid ko, biktima rin nito. Pero balewala yan kung ikukumpara sa mga naranasan naming sunburn dati.

Noon kasi kapag ganitong summer, sa probinsya kami nagbabakasyon. Syempre pa, hindi mawawala ang excursion ng pamilya sa beach! Sa dami namin, dalawang jeep ang kailangan arkilahin. Nakasanayan nang umaga pupunta sa beach at bago dumilim ay uwian na. Ang saya mag-swimming sa beach! Ayos na sana ang day swimming kaso kinabukasan, bukod sa sakit ng katawan ay lumolobong parang napaso ang ilang bahagi ng balat namin sa likuran. Mahapdi na nga, nagtutubig pa ito pag natuklap ang lumobong balat. Matagal din bago ito tuluyang gumaling. Ilang taon rin naming naranasan yan. Kaya para maiwasan ang nakakadiring sunburn, napagkasunduan ng mga nakatatanda na gawing overnight ang taunang outing. Simula noon, sakit ng katawan na lang ang nararamdaman namin pagkatapos mag-swimming. Hay. Nakaka-miss tuloy mag-beach.

Mahapdi pa rin ang likod ko. Mahirap na naman matulog mamaya. Sana sa susunod, night swimming naman para siguradong walang sunburn. Pero kung day time pa rin, maglalagay na ako ng sunblock bago mag-swimming.

Ang kati ng likod ko. Ang hirap tuloy kamutin nito.

: )

Tuesday, April 19

Globe My SUPER TXT ALL

Ito ang tunay na unlimited text! But wait, bago ka matuwa, pinapaalalahanan ang lahat na available lang ito sa mga Globe Postpaid plans.

Sana pati sa prepaid maging available ito.

: )

photo from http://a3.sphotos.ak.fbcdn.net/hphotos-ak-ash4/183709_10150107348879748_30433734747_6429812_4810340_n.jpg

Monday, April 18

Summer na!

Grabe. Ang init. Alas-siyete pa lang ng umaga kanina pero parang alas-diyes na ang alinsangan sa labas. At kahit gabi na, ramdam ko pa rin ang init ng araw.

Kahapon nga habang nasa misa, para kaming nasa loob ng sauna. Nakaupo lang ako pero pinagpapawisan ang bilbil ko. May electric fan nga sa kanto kaso di naman ako inaabot ng hangin nito. Haaay. Gusto ko tuloy ng ice cream at halo-halo.

Opisyal na ngang nagsimula ang summer season sa bansa. Dahil dito, mas madali tayong pawisan at mas prone tayo sa dehydration. Kaya ugaliing uminom ng maraming tubig. Huwag ring magbabad sa ilalim ng araw upang maiwasan ang heat stroke. At dahil sinabi ng PAGASA na magiging maulan ang summer ngayong taon, pinapayuhan ang lahat ng pupunta sa beach na magdala ng payong o kapote para hindi mabasa, sakaling umulan.

Tayo na sa beach! Tayo na't mag-swimming! Bilisan nyo na, gusto kong mag-sunbathing!

: )

photo from http://beautifulandhappy.com/wp-content/uploads/2008/04/chowking-halo-halo.jpg

Tuesday, April 12

Nawillie sa pagsasayaw

Isang buwan na ang nakakalipas nang mapanood ng mga loyal viewers ng Willing Willie ang pagsasayaw ni Jan-Jan na, ayon na rin sa host nitong si Willie Revillame ay mala-macho dancer.

Hindi naman talaga ako nanonood ng Willing Willie. Nalaman ko lang ang nangyari sa mga nabasa kong news articles at posts sa facebook. Sa YouTube ko napanood ang videos na kung saan makikitang pagkatapos ma-interview ay sumayaw ang batang umiiyak sa harap ng nagtatawanang studio audience. Nang matapos ang sayaw ng bata ay nainis ako sa sinabi ni Willie na mala-macho dancer ang ginawa ng bata, sabay abot ng P10,000. Teka, alam ba ng bata kung ano ang macho dancer? At sino ang lintek na nagturo nito dito? Mas nainis pa ako nang pinaulit-ulit pa ng host ang pagsasayaw ng bata na sinamahan pa ng kunwari'y mga nagkakagulong babae, habang umaangat ang bahagi ng entablado. Pagkatapos ko mapanood ang mga ito, naisip ko na lang, bakit hinayaan lang ng pamunuan ng Willing Willie at TV5 na mangyari lahat iyon? Kaya hindi katakatakang marami ang nagreklamo sa MTRCB ukol dito.

Palaging sinasabi ni Willie na gusto lamang niyang magpasaya at tumulong sa mga kapuspalad sa pamamagitan ng kanyang programa. Pero hindi ito maaaring gawing dahilan para pagtakpan ang mga nagawang pagkakamali kapag may kapabayaang nangyari.

Sa kasalukuyan ay pansamantalang nagpaalam sa ere ang programa ni Willie Revillame bilang tugon sa mga naani nitong batikos. Maaari rin daw na hindi na ito bumalik. Hindi na ako magtataka kapag iyon ang nangyari dahil ilang beses na ring nakansela ang kanyang mga programang nasangkot sa eskandalo noon.

Hanggang ngayon, hindi pa rin siya natututo.

: (

photo from http://4.bp.blogspot.com/-uMGMy6wxaHI/TZCGvKVBEnI/AAAAAAAAB1I/hfZpzRf8S1o/s1600/jan%2Bjan%2Bwilling%2Bwillie%2Bepisode.jpeg

Friday, April 1

Watch goalkeeper Rogerio Ceni score his 100th goal


Astig na goalie!

The record-breaking Brazilian goalkeeper scores the 100th goal of his career as Sao Paulo beat Corinthians 2-1.

: )

Wednesday, March 30

Ipagdasal natin sila

Tulad ng inaasahan, natuloy ang pagbitay sa tatlo nating kababayan sa China dahil sa droga. Hindi naganap ang himalang hinihintay lalo na ng mga kapamilya ng mga naparusahan ng bitay. Nakakalungkot man ang nangyari, wala naman tayong magagawa dahil pinatupad lamang ng China ang kanilang batas.


Pero ang malaking tanong pa rin ngayon ay kung paano sila nakalabas ng bansa habang may bitbit na droga at hindi man lamang na-detect ng mga nakatalagang seguridad sa paliparan? At kung dito nanggaling ang dala nilang droga, paano ito nakapasok sa bansa in the first place? Mayroon tayong seryosong problema sa mga paliparan at pantalan dito sa bansa. Kung hindi ito mareresolba sa lalong madaling panahon, siguradong may susunod pa sa sinapit nila Sally Ordinario-Villanueva, Ramon Credo at Elizabeth Batain.


Ipagdasal na lamang nating ang kanilang mga kaluluwa at nawa'y magsilbi itong aral sa lahat.


: (

Pasensya

Naranasan mo na bang maubusan ng pasensya? Para bang sumipol na yung takore sa loob mo dahil kumukulo na ang dugo mo. Yung tipong uminit ang ulo mo sa isang pangyayari kaya lumampas sa critical level ang reading ng patience meter mo. At ang resulta: may nagawa kang di mo inaasahan.

May mga pagkakataon talagang hindi mo maiiwasan na susubok sa iyong pasensya tulad ng kapatid na makulit, balitang nakakabwisit, girlfriend na gago, papansing tarantado, chismosang kapit-bahay, asawang sumakabilang-bahay, mataas na presyo ng bilihin, mga pamahiin, masungit na boss, terror prof, buwayang Congressman, walang ginagawang Ombudsman, kausap na slow, basurang TV show, mag-asawang Ligot, bawal na gamot, at kung anu-ano pang masakit sa batok.

Ikaw, nakasakit ka na ba, pisikal man o emosyonal, dahil naubusan ka ng pasensya? Ako, dati, nasagot ko ang Nanay ko dahil may pinagtatalunan kami noon. At kahit pa may punto ako, laking pagsisisi ko nang mahimasmasan ako dahil naisip ko agad na hindi ko dapat ginawa iyon. Madalas kasi kapag malamig na ang iyong ulo ay saka mo lamang naiisip na mali pala ang nagawa mo. Totoong nasa huli ang pagsisisi kapag mali ang desisyon mong napili.

Kahit gaano kahaba ang pasensya mo, darating talaga sa punto na mauubusan ka nito. At kapag nangyari ito, dapat ay kontrolado mo ang iyong emosyon upang hindi ka makapagbitaw ng masakit na salita o magdulot ng masakit na pasa.

: )

Tuesday, March 29

Teleserye Remakes

Muling binigyang-buhay ng ABS-CBN ang mga teleserye nito na minsa'y tumatak sa isipan ng sambayanang mahilig sa drama. Nariyan ang Mara Clara at Mula sa Puso. Ano kayang susunod? Esperanza?


Pero bakit kailangan nilang i-remake ang mga ito? Mahirap na bang mag-isip ng bagong konsepto para sa teleserye ngayon? Medyo ayos pa siguro kung binago nila ang kwento mula sa orihinal na serye. Ngunit mukhang remake lang talaga ang ginawa nila. Pareho ang kwento at pareho rin ang mga tauhan. Reklamo nga ng tatay ko, "Napanood na natin dati yan a!"


Oo, alam ko, maaaring ang iba sa inyo ay wala pa sa mundo o walang pakialam nang ipalabas ang orihinal na serye nito. Kaya siguro naisipan nilang i-remake ang mga ito para malaman ninyo kung bakit tumatak sa mga nakatatanda ang mga teleseryeng ito noong unang panahon. Nakatipid na sila sa pag-iisip ng orihinal, sigurado pang may manonood sa seryeng likha nila.


Hindi ko ikakaila na ako'y nanonood din ng teleserye noong ako'y maliit pa. Pagkatapos kasi ng balita, mga teleserye na ang susunod na programa. Dahil na rin sa ilang taong panonood nito, masasabi kong halos parepareho lang naman ang mga teleserye sa Pilipinas. Iba-iba lang ng istorya pero may sinusundang iisang formula. Ang mga pangunahing tauhan sa isang tipikal na Pinoy teleserye ay ang Loveteam, 3rd and 4th party, at ang Kontrabida.


· Loveteam - Bigla na lang magkakakilala si lalaki at babae, tapos ayun, sila na. Minsan naman, magkababata sila at muling nagkita pagkatapos ang mahabang paghihintay ng mga manonood. At kahit anong mangyari, sila ang magkakatuluyan sa dulo ng teleserye.

· 3rd and 4th party - Mga umaasang magiging kanila ang isa sa Loveteam. Hindi kumpleto ang love story pag wala sila. Madalas kaibigan nila ang isa sa Loveteam at may lihim na pagnanasa dito. Medyo kontrabida rin ang papel nila sa istorya pero limitado lamang sa kaagaw nila sa pag-ibig.

· Kontrabida - Syempre, mawawala ba naman ang makasarili, arogante, at doble-karang karakter na nagdudulot ng inis, galit, at problema sa mga televiewers? Trip niyang manggulo sa buhay ng may buhay sa hindi malamang dahilan. Madalas siyang nakukulong o namamatay sa finale.


Sa kanila iikot at tatakbo ang bawat episode ng teleserye, kasama ng ilan pang tauhan na isa-isang mamamatay at ilang sikretong mabubunyag sa kalagitnaan ng kwento. Minsan nga may nawawalan pa ng alaala para lang humaba ang istorya.


Hindi ko alam kung ganyan pa rin ang mga teleserye sa panahon ngayon kasi matagal na akong hindi nanonood ng Pinoy teleserye. Isa kasi ako sa mga kabataang nagsawa dito nang mauso ang fantaserye. At tuluyan ko namang kinalimutan ang lahat ng yan nang sinubaybayan ko ang buhay ni Jack Bauer. Sayang nga lang dahil tapos na ang series after 8 seasons.


: (