Ang blog na ito ay Rated G. Ito ay puwede sa lahat ng mambabasa.

Wednesday, July 6

Byaheng 90's


Kaninang umaga, pagsakay ko ng ordinary bus ay agad kong narinig ang hindi napapanahong tugtugin ng 1990's. Hindi ito mula sa isang radio station dahil walang nagsalitang nakakairitang DJ. Natuwa ako dahil matagal ko nang hindi naririnig ang mga napakinggan kong kanta kanina. Napakanta ako sa halos lahat ng kanta nila Ariel Rivera, Dingdong Avanzado, April Boy, Roselle Nava, Carol Banawa, Gary V., Freestyle, Side A, at marami pang ibang hindi ko na maalala ang kumanta. Naalala ko tuloy na madalas kong marinig ang mga kantang 'yan sa radyo noong bata pa ako. Ang nakakainis lang kanina, hindi buo lahat ng narinig kong kanta! Mula 1st verse hanggang end of chorus lang and then next song na agad! Lintek 'yung nag-burn ng CD! Kung kumpleto lang 'yung mga kanta kanina, mas masaya sana. Nabitin ako e. Ayaw ko pa namang nabibitin.
Paminsan-minsan, subukan ninyong makinig ng mga kantang napapakinggan ninyo noong kayo'y bata pa lalo na ang OPM. Sa halos isang oras kong byahe kanina, sandali akong bumalik sa pagkabata. Marami tayong magagandang tugtugin noon na hindi dapat nababaon sa limot ngayon. Mabuti nga't may naririnig pa akong mga lumang OPM songs sa radyo ng mga pampublikong sasakyan. Hinding-hindi ko tatawaging laos ang mga kantang ito. Mas laos ang mga taong lumilimot dito.
Para sa akin, mas malaman ang mga kanta noon kaysa mga usong tugtugin ngayon. Kung tutuusin nga, mas may kwenta pa 'yung mga OPM songs noong 90's kaysa mga kanta ni Justin Bieber.
: )

No comments: