Ang blog na ito ay Rated G. Ito ay puwede sa lahat ng mambabasa.

Sunday, September 11

Zombadings: AWAAARD!

Kung naghahanap ka ng maganda at masayang pelikula, manood ka ng Zombadings 1: Patayin sa Shokot si Remington!


Una kong narinig ang Zombadings sa kainitan ng Cinemalaya 2011. Kahit tunog horror, comedy film pala ito. Napanood ko ang trailer sa isang post ng kaibigan sa facebook at nagbasa rin ako ng ilang reviews tungkol sa pelikula. Dahil dito, nagka-interes akong panoorin ang Zombadings. Buti na lamang, tulad ng Ang Babae sa Septic Tank, nalaman kong ipapalabas rin ito commercially.


Sa wakas, napanood ko rin ito kagabi kahit last week ko pa ito gustong panoorin. Wala kasi akong makuhang kasamang manood last week e. Buti na lang at natuloy kami ng aking mga kaibigan kagabi. Ang saya-saya! Kaya hindi pa huli ang lahat para sa gustong manood ng Zombadings!

Pero syempre, meron pa rin tayong mga kababayan na hindi ito panonoorin over their dead body dahil sa tema ng pelikula. Kung iniisip mong para sa mga bakla lang ang pelikulang ito, nagkakamali ka. Kung iniisip mong sayang sa pera ang pelikulang ito, nagkakamali ka rin. Kung iniisip mong kasing corny ng typical Pinoy comedy films ang pelikulang ito, nagkakamali ka na naman. At kung iniisip mong walang halagang panoorin ang pelikulang ito, isa kang malaking pagkakamali!

Una sa lahat, lalung-lalo na para sa mga lalaki, hindi nakakabakla ang pelikulang ito. Oo nga't ang tema ay medyo bading pero hindi kasing bading ng Justin Bieber movie. Uulitin ko, hindi ka mababakla pag pinanood mo ito. Matatawa ka lang. Hindi ka rin pwedeng tawaging bading dahil lang nanood ka ng Zombadings. Ang babaw masyado. Pero pag lumabas ka sa sinehan na nagsasayaw ala-Remington, confirmed ka malamang, in denial lang.

 
Pangalawa, hindi sayang ang pera sa pelikulang ito lalo na kung kaya mong gumastos ng 3D movie. Suportahan naman natin ang local films, wag lang tuwing MMFF at may pelikula si Bossing.

Pangatlo, hindi ito tulad ng mga typical Pinoy comedy films na usong-uso noong '90s na ngayo'y pinapalabas sa tv tuwing hapon. Ibahin mo ang pelikulang ito. Maraming nakakatawang eksena pero hindi dahil sa katangahan ng mga tauhan. Magaling ang pag-arte ng mga artista lalo na sina Martin Escudero (award!), Roderick Paulate at Eugene Domingo (kahit kaunti lamang ang eksena nilang dalawa). Magaling rin ang pagkakagawa ng script at nalaman ko pa ngang ilang beses na binago ang gay lingo lines dahil mabilis raw kasi itong mag-evolve.

At huli, hindi dapat balewalain ang Zombadings. Hindi ito yung tipo ng pelikulang ginawa lang para pagkakitaan. Hindi ito basura. Respeto sa kapwa (maging ano pa siya) ang isang aral na dala nito. Wala kang karapatang husgahan ang iba dahil lang iba siya. Kaya bago mo husgahan ang pelikulang ito dahil lang sa kakaibang title at tema nito, panoorin mo muna.


Anyway, para sa mga hindi pa nakakapanood, ang pelikulang ito ay tungkol kay Remington (Martin Escudero) na hindi maganda ang pakikitungo sa mga bakla noong siya'y bata pa. Nakahanap siya ng katapat na bakla (Roderick Paulate) at siya'y isinumpang magiging bakla rin paglaki. Lumipas ang 15 taon at nagkaroon ng sunod-sunod na patayan ng mga bading sa kanilang lugar. Nagsimula ring umipekto ang sumpa kay Remington na tuluyang bumago sa takbo ng kanyang buhay. Kung sino ang nasa likod ng misteryong pagpatay at kung paano matatanggal ang sumpa kay Remington, nasa sinehan ang mga kasagutan. Kaya buy your tickets now!

Panoorin mo na kung hindi mo pa napapanood. Sulit ang bayad dahil busog ka sa tawa. Ito ay rated PG-13 ng MTRCB dahil siguro sa isang eksenang maaaring magdulot ng awkward moment sa mga may kasamang bata at isip-bata. Ngunit sa kabuuan, maganda at masaya ang pelikula.

Kaya muli, sa mga hindi pa nakakapanood nito, inaanyayahan ko kayong sumugod sa pinakamalapit na sinehan at manood ng Zombadings 1: Patayin sa Shokot si Remington. Isama ang buong barkada para mas masaya! Hindi pa huli ang lahat kaya gorah na!

: )

No comments: