Kaninang umaga, pagsakay ko ng ordinary bus, agad kong napansin ang tatlong maliliit na parol na kulay dark green na nakasabit sa bandang itaas ng driver. Naisip ko na lang, ang aga naman nilang magkabit ng parol. Pero sabagay, simula na kasi ng "Ber" months. Kulang na nga lang Christmas songs sa stereo ng bus.
Ngunit habang tinitingnan ko ang mga nakasabit na parol, bigla akong napangiti dahil nakita kong makapal na alikabok pala ang nagpa-dark sa dati'y kulay berdeng mga parol. Ibig sabihin, matagal na palang nakasabit ang mga yun doon. Langya, mas malala pa pala sila sa amin. Kahit Holy Week na, mukhang Pasko pa rin sa bahay namin. Kung di pa mag-utos si Mami, wala pang magliligpit ng mga nakasabit. Hhmm... Wag na lang kaya kami magkabit ng Christmas decors ngayon para walang dapat ligpitin next year?
Hanggang ngayon, iniisip ko pa rin kung gaano na katagal na nakasabit ang tatlong dark green na parol doon sa bus. Ilang Pasko na kaya ang nasaksihan nun? Nakalimutan ko kasing itanong sa kunduktor kanina. Sana sa susunod may tumutunog na Christmas lights na. Araw-araw pa namang Pasko sa bus na yun.
: )
No comments:
Post a Comment