Noong Biyernes, bigla ko na namang naalala ang MRT 7. 2007 pa nang una kong mabalitaan ang MRT 7 project pero anong petsa na? 2011 na! At kahit ni isang malalim na hukay sa center island sa Commonwealth Avenue ay wala pa akong nakikita. Akala ko nga dati ay parte ng MRT 7 project yung nakita kong hinuhukay sa bandang Tandang Sora noon. Yun pala, C5 extension. O, MRT 7, ano nang nangyari sa'yo?
Sa pagkaakaalam ko, ang MRT 7 project ay may 14 stations na magsisimula sa North EDSA at tatahakin ang kahabaan ng Commonwealth saka bahagyang dadaan sa Caloocan at matatapos sa San Jose del Monte, Bulacan. Ito ang dahilan kaya matagal ko na itong hinihintay. Sa Bulacan kasi ako nakatira. At kagabi nga, sa kagustuhan kong malaman kung kailan ba talaga ito sisimulan, nakahanap ako ng latest article tungkol sa MRT 7.
Ayon dito, bago matapos ang taong ito ay sisimulan na ang paggawa nito at sa 2014 pa magbubukas sa publiko. Ang tagal! Pero sa ginawang pagpapalawak sa Commonwealth Avenue, sigurado akong hindi na magiging masyadong malala ang daloy ng trapiko sa oras na simulan ang construction ng pinakahihintay kong MRT 7. Kung sa Maynila nga ay nakapagtayo sila ng LRT sa maliit na highway, sa Commonwealth pa kaya? Sa lawak ng Commonwealth ngayon, para na itong runway. Yung mga bus na dumadaan nga dito ay piloto yata ang nagmamaneho. Kulang na lang ay lumipad yung bus sa tulin ng pagharurot. Kaya kapag may pasaway na jaywalker na inabot ng malas, tiyak na hindi na siya aabutin ng bukas.
Hay, sa 2014 pa pala. Matagal pa akong maghihintay. Sana naman ay masimulan na sa lalong madaling panahon ang MRT 7 dahil nais kong makasakay dito bago pa kunin ni Lord ang mag-asawang Arroyo.
: )
No comments:
Post a Comment