Ang blog na ito ay Rated G. Ito ay puwede sa lahat ng mambabasa.

Wednesday, April 27

Ang kasalang pinakahihintay raw ng lahat


Bukod sa daily updates ng training ni Manny Pacquiao para sa nalalapit niyang laban sa May 8, sinimulan na rin last week ng Big 3 (ABS-CBN, GMA, at TV5) ang araw-araw at oras-oras na updates sa tinututukang kasalang royal nina Prince William at Kate Middleton na pinakahihintay raw ng buong mundo. Ahmm... Talaga? Basta ako, hindi kasama sa 'buong mundo' na yan.
Wala namang problema kung ibalita ng Big 3 na ikakasal na ang crown prince ng Great Britain. Tutal, balita naman talagang maituturing ito. Pero yung pagpapalabas nila ng maya't mayang updates, trivia, etc. about the royal wedding pati na rin ang full coverage nito sa April 29 ay sobra-sobra na! Bakit hindi nila tutukan ang ating mga mambabatas na parang walang naipapasang batas? Bakit hindi nila tutukan ang estado ng edukasyon dito sa bansa para matauhan ang mga kinauukulan? Bakit hindi nila tutukan ang mga proyekto (gobyerno man o pribadong sektor) na tumutulong sa ating mga kababayan sa loob at labas ng bansa? Bakit kasalang royal sa ibang bansa pa ang napag-tripan nilang tutukan?
Para bang pinipilit nila sa mga manonood na dapat pakatutukan ng sambayanan ang kasalang ito na sa palagay ko naman ay walang maitutulong sa problema natin sa mataas na presyo ng langis. Kung kasal siguro ni President Noynoy yan, malamang manonood ang ating mga kababayan. Yun nga lang, wala rin itong maitutulong sa mababang sahod ng mga manggagawa.
I have nothing against the royal couple. Gusto ko lang ayusin ng Big 3 ang kanilang paghahatid ng balita. Dapat ang impormasyong binibigay nila ay tama lang at hindi pilit na pilit. May ilan rin kasing international events na tinutukan ng Big 3 ang medyo hindi talaga angkop sa mga Pilipinong manonood. At sa palagay ko, dadagdag lamang sa listahang ito ang sinasabing Royal Wedding of the Century.
Muli, wala akong problema sa mga ikakasal. Hangad ko lang ang makabuluhang pagbabalita dito sa bansa. Para naman sa mga ikakasal, nawa'y maging masaya ang kanilang pagsasama pagkatapos ng engrandeng kasalan.
: )

No comments: