"Musta na kayo dyan? Eto na pala bagong roaming number ko, na-sim block yung dati kong number. Miss you all. Reply asap."
Nakatanggap ka na ba ng ganyang text message from an unknown sender? Ako, oo at maraming beses na. Scam yan pero nakakabahalang may nahuhulog pa rin sa ganitong uri ng patibong. Libo-libong piso ang tinatayang natatangay ng mga kawatan sa ganitong panloloko. Kaya naman para sa kaalaman ng mga hindi pa nakakaalam, ipapaalam ko sa inyo ang modus ng ganitong panloloko upang hindi mabansagang walang alam.
Gamit ang text message sa itaas, magpapanggap ang kawatan bilang isang kamag-anak na nasa ibang bansa. Kapag kumagat sa pain ang biktima at naniwalang kamag-anak nga ang ka-text, aalukin ito ng kawatan sa isang business partnership na siguradong malaki raw ang kita. Kadalasan humihingi ang kawatan ng sangkatutak na prepaid card pin numbers upang ibenta raw nang mas mahal sa mga kasamahang Pilipino dahil doon raw sa kanilang kinalalagyan ay walang nagbebenta ng prepaid cards. Kapag na-enganyo ang biktima ay siguradong susunod ito sa pinapagawa ng inakalang kamag-anak sa paniniwalang malaki ang kikitaing salapi. Ngunit huli na ang lahat pag nalaman ng biktima na naloko pala ito.
Tanong: Paano ko nalaman ito?
Sagot: Sinubukan kong sakyan yung isang nag-send sa akin ng ganyang text message at sa pang-apat na text nya, business na agad ang alok. Pinangalanan ko siyang Kuya Bogart na isang seaman sa Somalia.
Tanong ulit: Paano nakukuha ng kawatan ang cellphone number ng kanyang mga biktima?
Sagot: Hindi ko alam. Pwedeng hinulaan. Pwedeng nakuha sa loading stations. Pwedeng sa likod ng upuan sa bus. At pwede rin namang target na talaga ang biktima.
Ang mga manloloko, gagawin ang lahat para makapanloko. Maging maingat sana tayong lahat. Kaya naman kapag nakatanggap ng text message na katulad ng nasa itaas, huwag na magpaloko at agad mag-reply ng "I-ROAMING MO MUKHA MO! (pagmumura is highly recommended but optional)"
BONUS TEXT JOKE:
GF: Tawagan kita ulit mamaya, papatayin ko muna cellphone ko, nagloloko kasi eh..
BF: Mamatay ka na rin kaya tutal nagloloko ka rin naman.
: )
1 comment:
ako din... maraming beses na nakatanggap
Post a Comment