Motorsiklo na raw ang bagong hari ng kalsada. Ito ang titulong hawak dati ng mga jeepney. Bigla kasing nagsulputang parang kabute ang mga nagbebenta ng murang motorsiklo kaya ang resulta: lomobong parang populasyon ng Pilipinas ang bilang ng mga motorsiklo sa daan. Gagaya na ba tayo sa Thailand?
Pero ang nakakabahala lamang, ginagamit rin ito ng mga kawatan sa kanilang masasamang gawain. Nandyan yung mga "riding-in-tandem" na nang-aagaw ng cellphone at bag o kaya'y mas malalang krimen tulad ng armed robbery at carjacking. Madali kasing makatakas ang mga kriminal gamit ang motorsiklo dahil mabilis ito. Kaya rin nitong mag-overtake o sumingit sa pagitan ng ibang sasakyan lalo na kung magaling magmaneho si gago. Kaya madalas, hindi nasasakote ng mga pulis ang mga tarantado.
Ang isa pang problemang dulot ng pagdami ng motorsiklo ay ang pagtaas ng kaso ng aksidenteng sangkot ang bagong hari ng kalsada. Masuwerte kung galos at konting sugat lamang ang tinamo ng naaksidente sa motor dahil sa pagkakaalam ko, marami dito ang namamatay on the spot. Karamihan kasi ng mga namamatay sa aksidenteng kinasasangkutan ng mga motorsiklo ay dahil sa hindi pagsusuot ng matigas na helmet. Marami kasing matitigas ang ulo na sadyang binabalewala ang paggamit nito. Ang iba'y mayroon namang suot pero pang-scooter nga lang. Ngunit balewala rin ang tigas ng kanilang ulo kapag sila'y minalas na maaksidente sa daan. Kahit sinong tumilapon sa ere at bumagsak sa matigas na semento, kahit gaano pa katigas ang ulo ay siguradong mababasag ang bungo kapag helmet ay hindi suot. Laman na agad ng news programs mamaya at laman pa ng tabloid bukas. Ngayon, ayaw mo pa rin bang magsuot ng helmet?
Wala namang masama sa pagmo-motor kung hindi tarantado ang nagpapaandar nito. Walang maaaksidente kung tamang disiplina ang nangingibawbaw sa kalsada. At wala ring mawawala kung uunahin lagi ang kaligtasan.
: )
No comments:
Post a Comment