Muling binigyang-buhay ng ABS-CBN ang mga teleserye nito na minsa'y tumatak sa isipan ng sambayanang mahilig sa drama. Nariyan ang Mara Clara at Mula sa Puso. Ano kayang susunod? Esperanza?
Pero bakit kailangan nilang i-remake ang mga ito? Mahirap na bang mag-isip ng bagong konsepto para sa teleserye ngayon? Medyo ayos pa siguro kung binago nila ang kwento mula sa orihinal na serye. Ngunit mukhang remake lang talaga ang ginawa nila. Pareho ang kwento at pareho rin ang mga tauhan. Reklamo nga ng tatay ko, "Napanood na natin dati yan a!"
Oo, alam ko, maaaring ang iba sa inyo ay wala pa sa mundo o walang pakialam nang ipalabas ang orihinal na serye nito. Kaya siguro naisipan nilang i-remake ang mga ito para malaman ninyo kung bakit tumatak sa mga nakatatanda ang mga teleseryeng ito noong unang panahon. Nakatipid na sila sa pag-iisip ng orihinal, sigurado pang may manonood sa seryeng likha nila.
Hindi ko ikakaila na ako'y nanonood din ng teleserye noong ako'y maliit pa. Pagkatapos kasi ng balita, mga teleserye na ang susunod na programa. Dahil na rin sa ilang taong panonood nito, masasabi kong halos parepareho lang naman ang mga teleserye sa Pilipinas. Iba-iba lang ng istorya pero may sinusundang iisang formula. Ang mga pangunahing tauhan sa isang tipikal na Pinoy teleserye ay ang Loveteam, 3rd and 4th party, at ang Kontrabida.
· Loveteam - Bigla na lang magkakakilala si lalaki at babae, tapos ayun, sila na. Minsan naman, magkababata sila at muling nagkita pagkatapos ang mahabang paghihintay ng mga manonood. At kahit anong mangyari, sila ang magkakatuluyan sa dulo ng teleserye.
· 3rd and 4th party - Mga umaasang magiging kanila ang isa sa Loveteam. Hindi kumpleto ang love story pag wala sila. Madalas kaibigan nila ang isa sa Loveteam at may lihim na pagnanasa dito. Medyo kontrabida rin ang papel nila sa istorya pero limitado lamang sa kaagaw nila sa pag-ibig.
· Kontrabida - Syempre, mawawala ba naman ang makasarili, arogante, at doble-karang karakter na nagdudulot ng inis, galit, at problema sa mga televiewers? Trip niyang manggulo sa buhay ng may buhay sa hindi malamang dahilan. Madalas siyang nakukulong o namamatay sa finale.
Sa kanila iikot at tatakbo ang bawat episode ng teleserye, kasama ng ilan pang tauhan na isa-isang mamamatay at ilang sikretong mabubunyag sa kalagitnaan ng kwento. Minsan nga may nawawalan pa ng alaala para lang humaba ang istorya.
Hindi ko alam kung ganyan pa rin ang mga teleserye sa panahon ngayon kasi matagal na akong hindi nanonood ng Pinoy teleserye. Isa kasi ako sa mga kabataang nagsawa dito nang mauso ang fantaserye. At tuluyan ko namang kinalimutan ang lahat ng yan nang sinubaybayan ko ang buhay ni Jack Bauer. Sayang nga lang dahil tapos na ang series after 8 seasons.
: (