Sabi nila, kung sino pa yung mahihirap, sila pa yung marami ang anak. Sabagay, totoo naman. Sa mga squatter's area lang sa Metro Manila, marami kang makikitang batang pakalat-kalat.
Minsan nakapasok ako sa isang squatter's area sa bandang Fairview para sa isang feeding program. Pagpasok pa lang sa lugar, bumungad agad sa amin ang sangkatutak na batang amoy-araw. Nakakaawa lang yung ibang bata kasi may galis at sugat sila sa iba't ibang parte ng katawan. Pero nakakagulat na sa maliit na lugar na yun, maraming bata ang makikita dito. Paano pa kaya sa ibang mas malalaking squatter's area?
Hindi ko alam kung ang mga mag-asawang nakatira sa lugar tulad nito ay mahilig talaga sa bata o sadyang mahilig lang talaga si mister kaya dumarami ang kanilang supling. Siguro sineryoso nila yung mga huling salita ng pari sa kasal, "Humayo kayo at magparami." Hehehe.
Pero wala namang problema kapag marami ang anak KUNG kaya namang pag-aralin ng mga magulang ang kanilang mga anak. Nakakainis lang dahil may ilan na kahit alam nilang nahihirapan sila sa buhay, anak pa rin sila ng anak. Sa mga bata ako naaawa kasi kapag hindi sila nakapag-aral, lalaki rin silang tulad ng mga magulang nila. Kung makakapagtapos lamang sila kahit na high school, hindi malabong makahanap sila ng desenteng trabaho at tuluyang makaahon sa hirap. Ngunit dahil sa hindi makayanan ng ilang magulang na pag-aralin ang kanilang mga anak, lalong dumarami ang lumalaking mahirap at mangmang.
Sa squatter's area, ang mga tirahan ay dikit-dikit, maliit, at masikip. Iilan lamang ang kongkreto at karamihan ay yari sa tagpi-tagping light materials - karton, plywood, yero, at gulong na pabigat rito, kaya kapag minalas na magkasunog, madaling maabo ang mga tirahan dito. Ngunit nakapagtataka na sa liit at sikip ng mga tirahang ito, nagagawa pa rin ng mga mag-asawa na gumawa ng bata. Sabagay, kung gusto, may paraan, kahit kumot lang ang harang.
Maaaring may maitulong dito, sakali mang maisabatas ang Responsible Parenthood Bill o ang Reproductive Health Bill. Pero kung tutuusin, common sense na ito sa mga mag-asawa, lalung-lalo na yung mga mahihirap. Dapat sa sarili nila mismo, alam nila kung ilang anak lamang ang kaya nilang suportahan. Hindi yung anak sila ng anak at bahala na ang nasa itaas bukas.
: )
No comments:
Post a Comment