Ang blog na ito ay Rated G. Ito ay puwede sa lahat ng mambabasa.

Friday, September 21

Mga Inabonohang Abono

Minsan, nagliligpit ako ng gamit sa bahay nang may bigla akong nakita.
Abono. Yung iba kulay lupa, yung iba puti.
Naalala ko bigla ang aking elementary days sa JASMS.
Hindi ko na maalala kung kailan nagsimulang lumitaw ang mga abonong yun sa bakuran ng JASMS. Basta ang naalala ko lang, simula nang lumabas yun, taun-taon na akong nag-uuwi ng abono sa bahay. At hindi lang ako, pati mga kapatid ko. Wala naman kaming palayan sa bakuran pero bakit nga ba bumili ako?
Yan ang malaking tanong ko sa sarili noong nasa elem ako. Bakit nga ba?
Ang naaalala ko, may papasok sa classroom namin, madalas dalawang matandang babae. Tatlo kung isasama mo si teacher. Ibibida nila sa amin ang dala nilang abono. Ituturo rin kung pano gamitin. At pag natapos sila, bibigyan nila kami ng order slip. Mabuti sana kung pagkain pero hindi! Gusto nilang bumili kami ng abono! Tapos pag di ka bumili, pipilitin ka ni teacher. At dahil malakas ang impluwensya ni teacher, bibili ka na rin. At pagkatapos ng ilang araw, darating na yung order mo, pero minsan bitbit na talaga nila ang produkto nila, daig pa bumbay.
Sa halagang P10 bawat isa, may abono ka na. E san mo nga ba gagamitin?
May kaklase ako noon, ang daming binili, iniisip ko nga kung may ekta-ektaryang palayan sila sa bakuran. Ano kayang nangyari sa kanya?
Naiinis ako sa tuwing naaalala ko yun. Inabuso nila ang pagiging mangmang namin. Naiwan kaming nagtataka kung bakit may hawak kaming abono, habang sila'y tuwang-tuwa dahil sila'y kumita. Gusto ko ring isiping nagsabwatan sila ni teacher dahil sila pa ang nag-udyok sa amin na bumili ng abono. Ano bang malay namin kung may kickback sila?
At pagkatapos kong magligpit ng gamit, lumabas ako ng bahay, naghukay sa bakuran, binutas ang pakete at ibinuhos ang lahat ng abono sa hukay saka tinabunan.
Sa ngayon, hindi pa rin siya tumutubo. Ni hindi nga tumataba ang lupa e. Siguro dapat binenta ko na lang sa bata.
: (

No comments: