Ang blog na ito ay Rated G. Ito ay puwede sa lahat ng mambabasa.

Thursday, December 27

Matapobreng Taxi Driver

Minsan lang ako sumakay ng taxi.

Kahapon, napilitan akong pumara ng taxi dahil halos 40 minutes na akong late sa aking pupuntahan. Kasalanan ko naman e, hehe. Sa dami ng naghihintay ng taxi, awa ni Lord, nakasakay rin ako.

Nang malapit na akong bumaba at makitang 92.50 na ang meter fare, dumukot ako ng 100 peso bill mula sa aking bulsa at iniabot kay Manong Driver sabay sabing, "Malapit na po. Pwede na po ba ito?"

Biglang sinabi ni Manong Driver, "Bakit? Wala ka bang pera?"

Nagulat ako. "Ha?" lang ang nasabi ko.

"Wala ka bang pera?" ulit niya.

"Meron naman po," sagot ko.

"Kung 'yan lang ang ibabayad mo, ihihinto ko na 'to." Ang labo ng sinabi niya. Bakit niya ihihinto ang taxi? Hindi ba siya masaya sa 100 pesos? Dagdag pa ng matanda, "Kung wala kang pera, wag kang sasakay ng taxi."

Lalo akong naguluhan. Sa isip ko, sasakay ba ako sa taxi mo kung wala akong pera? At naliliitan ba siya sa 100 pesos? Kung tutuusin, dapat may sukli pa nga ang 100 ko e. Kung wala lang akong respeto sa matanda baka nasagot ko na siya nang pabalang. Pero good boy ako. Kalma lang, sabi ko sa sarili ko.

Nakarating naman ako sa aking destinasyon nang hindi lumampas sa 100 ang metro ng taxi. Iniabot ko na ang 100 peso bill kay Manong at kasama ng aking pekeng ngiti, pinasalamatan ko siya. Agad humarurot ang lintek na taxi.

Minsan lang ako sumakay ng taxi. At hindi ko akalaing ito pa ang mangyayari sa akin.

: |

Tuesday, December 25

Sisterakas: Better off without Kris Aquino

First time kong manood ng isang pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival sa mismong opening day. "El Presidente" sana ang gusto kong panoorin, kaso sa dalawang sinehan sa mall na malapit sa amin, "Enteng" ang palabas sa Cinema 1 at "Sisterakas" naman sa kabila. Kaya't kasama ang aking nanay at kuya, nanood kami sa Cinema 2.

Hindi ko lang alam kung bakit nandoon si Kris Aquino. Wala naman kasi masyadong naiambag ang karakter niya sa pelikula. Matumal ang tawa kapag si Kris ang nasa eksena. Dinig ko rin ang pagkadismaya ng mga kapwa ko manonood nang nagsayawan ang mga tao sa pelikula in the tune of "Rubadabango". Actually, mga eksena nina Vice at Ai-Ai lang ang tinatawanan naming mga nanonood kanina, samantalang naka-reserve naman para sa teens ang landian moments nina Mara at Robin Padilla, Jr.

Sa kabuuan, ang pelikulang ito ay masaya, nakakatawa at nakakabwisit. Medyo gasgas na nga lang ang formula pero benta pa rin naman sa nakararaming manonood. Bumenta sa akin ang mga nakakatawang eksenang wala si Kris Aquino at ang royal love team. Kaya kung may pang-sine kayo, punta na sa pinakamalapit na sinehan at panoorin ang "Sisterakas" pati na rin ang iba pang kalahok sa MMFF 2012.

: )

Wednesday, December 19

2012 Metro Manila Film Festival Official Entries

El Presidente
Scenema Concept International
Starring Jeorge E.R. Estregan, Cesar Montano, Christopher de Leon, Cristine Reyes, Nora Aunor
Directed by Mark Meily


One More Try
Star Cinema
Starring Angel Locsin, Dingdong Dantes, Angelica Panganiban, Zanjoe Marudo
Directed by Ruel Bayani



Shake Rattle and Roll 14
Regal Films
Starring Vhong Navarro, Lovi Poe, Dennis Trillo, Janice de Belen
Directed by Chito Roño



Si Agimat, Si Enteng Kabisote at Si Ako
Octoarts Films, M-Zet Productions, Imus Productions, APT Entertainment, and GMA Films
Starring Vic Sotto, Bong Revilla, Jr. and Judy Ann Santos
Directed by Tony Reyes



Sisterakas
Star Cinema and Viva Films
Starring Kris Aquino, Ai-Ai de las Alas, and Vice Ganda
Directed by Wenn Deramas



Sossy Problems
GMA Films
Starring Heart Evangelista, Rhian Ramos, Solenn Heussaff, Bianca King
Directed by Andoy Ranay



The Strangers
Quantum Films, MJM Productions, and Star Cinema
Starring Julia Montes, Enrique Gil, and Enchong Dee
Directed by Lawrence Fajardo



Thy Womb
Centerstage Productions
Starring Nora Aunor, Bembol Roco, Lovi Poe, Mercedes Cabral
Directed by Brillante Mendoza



Panoorin ang mga kalahok na pelikula kasama ang mga kaibigan at buong pamilya simula sa December 25, Araw ng Pasko.

: )

Friday, October 26

Tahoooooeeeww

Kaninang alas-singko ng umaga, habang naglalakad kami ng kapatid ko papunta sa terminal ng jeep ay may nakita kaming magtataho sa 'di kalayuan. Bibili sana ako ng taho ngunit agad nagbago ang isip ko (at parang ayaw ko na ulit kumain ng taho) nang makita namin ang ginagawa ng magtataho.


May pinipigaang basahan 'yung magtataho sa gilid ng daan at ang nakita naming kulay ng likido ay puti. Oo, puti. Kakulay ng tinatabuan at tinatapon ng magtataho bago lagyan ang iyong baso.

Isipin niyo na lang kung saan ginamit ang basahan.

: |

Thursday, October 25

Sundae Cone

Jollibee Starmall SJDM
October 8, 2012

Me: Dalawang cone twirl.
Cashier: 'Yung nasa cone po ba o nasa cup?

Jollibee Starmall SJDM
October 25, 2012

Me: Dalawang sundae cone.
Cashier: 'Yung sa cone lang po?

Pag ito nasundan pa, ewan ko na lang. Hahaha!
: )

Thursday, April 5

Sundot Dito, Kapkap Doon


Umaga ng Huwebes, Marso 29, 2012, isang money changer ang pinagnakawan ng ilang armadong lalaki sa loob ng Robinson's Galleria. Isang security guard ang nasawi at marami ang nasugatan sa sumabog na granada habang papatakas ang mga kriminal. Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nadadakip ang mga responsable sa naganap na krimen.

Dahil sa nangyari, muling naghigpit ng seguridad ang iba pang malls. Nasabi kong 'muling naghigpit' sapagkat napansin ko na sa mga nakalipas na insidenteng sangkot ang mga mall, holdapan man, pambobomba o may tumalon mula sa 4th floor, ang agaran aksyon ng mga sekyu ay ang paghihigpit sa entrance ng mall. Automatic yan. Magdadagdag rin ng security personnel ang mga mall at ang iba'y may bomb-sniffing dogs pa.

Ngunit kailangan pa bang may mangyaring hindi kanaisnais bago maghigpit ng seguridad? Pansamantalang mararamdaman ng madla ang kaligtasan hanggang sa matabunan ang issue. At ilang linggo o buwan lang ang lumipas, balik na naman sa dating gawi ang mga sekyu. Maluwag na naman sa entrance.

Sundot sa bag dito, kapkap sa baywang doon. Yaan ang madalas na S.O.P. sa entrada ng malls, government offices, at drug dens. (Hindi naman kasi lahat ng buildings ay may metal detector at bomb-sniffing dogs.) Pero pag walang naganap na hold up, bombing o suicide sa nakalipas na dalawang buwan, sundot-sundot na lang sa bag ang ginagawa ng mga sekyu habang nakikipagchikahan sa isa't isa. Kahit panatag na ina, hindi mapapanatag.

Isang linggo matapos ang insidente sa Galleria, nananatiling mahigpit ang seguridad sa mga matataong lugar. Dala na rin ito marahil ng Semana Santa. Sa susunod na linggo kaya, ganito pa rin kahigpit ang seguridad?

Sa panahon ngayon, wala na yatang ligtas na lugar. Kaya sana kahit normal na araw, manatiling mahigpit ang seguridad sa lahat ng matataong lugar. Sana kahit walang camera, masipag pa rin sa kanilang trabaho sina Manong Guard at Mamang Pulis. At sana lang talaga, kunin na ni Lord ang lahat ng masasamang loob, small time man o kurakot na politiko.

: )

Ang Local Primetime Program Schedule


Ayon sa nakikita ko tuwing commercial breaks, ganito ang primetime program schedule ng dalawang higanteng local TV networks na itatago natin sa pangalang ABS-CBN at GMA:

[Nightly News] - 6:30 PM
[Show 1] - after [Nightly News]
[Show 2] - after [Show 1]
[Show 3] - after [Show 2]
[Show 4] - after [Show 3]
[Koreanovela] - after [Show 4]
[Late Nightly News]  - after [Koreanovela]
[Late Night Documentary] - after [Late Nightly News]

Kung mapapansin mo, 'yung Nightly News lang ang may siguradong timeslot na 6:30 PM at lahat ng sumunod na programa ay hindi mo alam kung anong petsa magsisimula. Hulaan mo na lang kung anong oras. Ngunit bakit nga ba ganito ang program schedule pagdating ng primetime?

Ang sagot ay hindi ko alam. Hindi ko alam kung bakit hindi eksaktong 30 minutes o 1 hour ang bawat isang programa. Hindi ko alam kung bakit mas mahaba ang allotted time ng isang programa kumpara sa iba. At hindi ko rin alam kung bakit hinahati nila sa 3 to 4 parts ang isang episode ng bawat tinagalog na Koreanovela.

Primetime TV. More fun in the Philippines.

: )

Saturday, March 31

Bagong pick up lines ni Sen. Miriam Defensor Santiago



Minsan gusto ko nang sumuko sa love. Kasi sa panahon ngayon, coconut oil na lang ang virgin.
: )

Wednesday, February 29

How to remove your Google Web History


March 1 is the day Google's new unified privacy policy goes into effect, which means your Google Web History will be shared among all of the Google products you use.




: )

Sunday, January 29

It's Showtime!

Mukhang Showtime na lang talaga ang pag-asa ng ABS-CBN para maisalba ang kanilang tila'y isinumpang noontime slot. Ito ang ipinapahiwatig ng nalalapit na pagkawala ng Happy Yippie Yehey at kanina nga lang, ang biglaang "Thank You" episode ng Showtime na 1 week palang off-air mula sa Lunes, January 30.

Pero hindi raw dapat malungkot ang mga Madlang People dahil sa February 6 ay magbabalik ito na may bagong pangalan: It's Showtime! Maaaring ito na ang bagong noontime show ng Dos. Maaaring may mapalitan o madagdag na hosts. Maaaring bago na rin ang format (mala-MTB, Wowowee o HYY). At maaaring hindi na rin ito ang Showtime na kinagiliwan ng Madlang People sa nakalipas ng dalawang taon.

Matatandaang Showtime rin ang pansamantalang pumalit sa noontime slot ng kinanselang Pilipinas Win Na Win nang hindi ito pumatok dahil kay Kris Aquino. Nang dumating ang HYY, bumalik sa 10:30 AM slot ang Showtime. At ngayon nga, maaaring muli itong bumalik sa noontime slot para harapin ang hindi matibag na Eat Bulaga.

Good luck na lang sa It's Showtime!

: )

Tuesday, January 3

Buong Mundo

Karamihan ng mga newscaster at reporters sa bansa ay nilalahat ang kanilang pagbabalita. Madalas rin itong gawin ng ilang talk show hosts. Akala kasi nila'y lahat ng ibinabalita nilang sikat na kaganapan ay pinag-uusapan rin ng buong mundo. Ilang halimbawa ng kanilang panlalahat ay ang mga sumusunod:

“Ito na ang pelikulang pinakahihintay ng buong mundo!”

“Talaga namang tinutukan ng buong mundo ang royal wedding!”

“Buong mundo’y ipinagdiwang ang Kapaskuhan!”

Taga-mundo rin kasi ako pero hindi ko hinintay o tinutukan man lang ang ilan sa mga binabalita nila. Pwede naman nilang sabihing “Tinutukan ng ilan nating kababayan ang blah blah blah” o kaya nama’y “Hinintay ng mga fans ang pagdating ni kwan.”

Sana’y hindi nila nilalahat dahil unfair ito sa ibang taga-mundo rin naman.

: |

Holiday Calories

Habang nanonood sa TV, nainis ka nang pumasada ang commercial na may katagang “Tinatago ang taba? Mag-Lesofat!”

Pagsuot mo ng pantalon, agad mong naramdamang hindi nakarating sa dulo ang zipper.

Pagpasok mo sa opisina o eskwela, bati agad sayo'y “Tumaba ka yata?”

Kung nangyari sa'yo ang alin man sa mga nabanggit, wag kang mag-alala dahil natural disaster 'yan. Hindi na baleng lumaki ang tiyan basta't hindi bata ang laman. Napasarap lang naman ang iyong kain, hindi ba?

Matapos kasi ang Noche Buena at Medya Noche nitong nakalipas na dalawang linggo, siguradong bahagyang nadagdagan ang ating mga timbang. Umamin ka. Masamang magsinungaling, kaibigan. Ako mismo'y ramdam kong nadagdagan ng ilang guhit ang bigat ko sa timbangan. Masarap kasing kumain, hindi ba?

Spaghetti dito, pancit doon! Fried chicken dito, crispy pata doon! Adobo dito, hamon doon! Lechon dito, inihaw doon! Leche flan dito, fruit salad doon! Cake dito, ice cream doon! Softdrinks dito, alak doon! Lamon dito, laklak doon! Ang sarap talagang kumain, hindi ba?

Pero syempre, kailangang bumawi this year. Panahon na para mag-gym! Minsan lang naman tayo kumain ng ganyan karami. Minsan rin lang naman masira ang pinaghirapang dyeta. Ngunit kahit minsanan lamang ito, dapat ay palagi pa rin nating pinangangalagaan ang ating kalusugan. Dapat nang simulan ang healthy diet and lifestyle. Tara na't mag-exercise tayo tuwing umaga, tuwing umaga, tuwing umaga!

Kaya naman dahil sa dagdag na timbang dulot ng mga nakain sa handaan, plano ko'y makapagbawas ng timbang sa mga darating na araw upang pagsapit muli ng Pasko at Bagong Taon, pwede na ulit akong tumaba.

Ang sarap kasing kumain, hindi ba?

: )

Sunday, January 1

Taun-taon tuwing sasapit ang bagong taon

Bago ang lahat, nais ko kayong batiin ng MALIGAYANG BAGONG TAON! 2012 na kaya naman nalalapit na ang pagkagunaw ng mundo! Mwahahahahaha!
Anyway, dahil sa December pa muling mauulit ang kasiyahan kagabi, narito ang ilan sa mga taun-taong kaganapan tuwing sasapit ang bagong taon:
  • Matindi ang traffic jam sa mga pangunahing lansangan. Puno kasi ng mga mamimili ang malls lalo na ang department store at supermarket nito. Maging mga palengke malapit sa kalsada na walang nakalaan na parking lot ay nagdudulot rin ng pagsisikip sa daloy ng trapiko.
  • Blockbuster ang mga bus terminals, pantalan at paliparan. Karamihan ng mga pasahero’y daig pa ang OFW sa dami ng bitbit na gamit pauwi sa kani-kanilang probinsya.
  • Kaliwa’t kanan ang guestings ng dakilang Feng Shui experts para sabihing pera ang dala ng Year of the Water Buffalo at mamalasin ka ngayong taon kapag hindi ka bumili ng charms na crystals at nagpagawa ng water fountain sa kusina. Maganda ring mag-franchise ng siomai at kumuha ng life plan.
  • Samu’t sari namang makukulay na bente, singkwenta, sandaan, limandaan, at sanlibo ang makikitang nagpuputukan sa kalangitan habang nalalapit ang pagsapit ng alas-dose. Nakakaaliw sa paningin pero mas mainam kung pinambili na lamang ito ng pagkain at ibinigay sa mga katulad kong walang makain.
  • At siyempre, tadtad ng madugong balita ang radyo’t telebisyon bago sumapit ang bagong taon. Kahit kasi paulit-ulit na magbabala ang mga kinauukulan, paulit-ulit pa ring may napuputukan. Hindi kasi kumpleto ang pagpapalit ng taon sa Pilipinas kapag walang nasusugatan, napuputulan ng daliri, or worst, namamatay dahil sa napaka-child-friendly fire-crackers at iresponsableng gun owners.
Nawa’y ngayong 2012, kumpleto pa rin ang inyong mga daliri, kamay at paa. Dalawang tenga, dalawang mata, ilong na maganda.
Muli, MALIGAYANG BAGONG TAON sa inyong lahat! Live each day like it’s your last dahil ayon daw sa mga Mayan, baka ito na nga ang last.
: )