Minsan lang ako sumakay ng taxi.
Kahapon, napilitan akong pumara ng taxi dahil halos 40 minutes na akong late sa aking pupuntahan. Kasalanan ko naman e, hehe. Sa dami ng naghihintay ng taxi, awa ni Lord, nakasakay rin ako.
Nang malapit na akong bumaba at makitang 92.50 na ang meter fare, dumukot ako ng 100 peso bill mula sa aking bulsa at iniabot kay Manong Driver sabay sabing, "Malapit na po. Pwede na po ba ito?"
Biglang sinabi ni Manong Driver, "Bakit? Wala ka bang pera?"
Nagulat ako. "Ha?" lang ang nasabi ko.
"Wala ka bang pera?" ulit niya.
"Meron naman po," sagot ko.
"Kung 'yan lang ang ibabayad mo, ihihinto ko na 'to." Ang labo ng sinabi niya. Bakit niya ihihinto ang taxi? Hindi ba siya masaya sa 100 pesos? Dagdag pa ng matanda, "Kung wala kang pera, wag kang sasakay ng taxi."
Lalo akong naguluhan. Sa isip ko, sasakay ba ako sa taxi mo kung wala akong pera? At naliliitan ba siya sa 100 pesos? Kung tutuusin, dapat may sukli pa nga ang 100 ko e. Kung wala lang akong respeto sa matanda baka nasagot ko na siya nang pabalang. Pero good boy ako. Kalma lang, sabi ko sa sarili ko.
Nakarating naman ako sa aking destinasyon nang hindi lumampas sa 100 ang metro ng taxi. Iniabot ko na ang 100 peso bill kay Manong at kasama ng aking pekeng ngiti, pinasalamatan ko siya. Agad humarurot ang lintek na taxi.
Minsan lang ako sumakay ng taxi. At hindi ko akalaing ito pa ang mangyayari sa akin.
: |
No comments:
Post a Comment