Ang blog na ito ay Rated G. Ito ay puwede sa lahat ng mambabasa.

Wednesday, November 30

Regalong Nakakaiyak


May nagregalo na ba sa'yo ng panyo? Kung oo, anong naisip mo nang matanggap mo ang regalong ito?
A) Natuwa
B) Naiyak
C) Nakow! Siguradong paiiyakin ako ng taong iyon sa hinaharap!

Kung letter C ang sagot mo, basahin mo ang susunod na kwento. Kung A o B naman ang iyong sagot, basahin mo na rin ang kwento para masaya.

Noong unang panahon, may isang lalaking 4th year high school student na nakikipagbiruan sa isa sa mga kaklase niyang babae. Sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap, isang nakakahiyang pangyayari ang naganap.

Habang tumatawa ang lalaki, bigla na lamang siyang napasinga ng sipon. Yaks. Hindi niya napigilan ang bumabarang malapot na likido sa kanyang paghinga. Dali-dali niyang kinuha ang panyo mula sa kanyang bulsa at pinunasan ang nakakadiring bagay sa dalawang butas ng ilong niya.

Naglaho naman ang ngiti ng kausap niyang dilag at agad umalis sa kanyang harapan. Syet. Sana'y kinain na lang siya ng lupa kaysa nakita ng dalaga ang kanyang kahihiyan.

Nang sumapit ang Christmas party ng kanilang klase, nakatanggap ng regalo ang lalaki mula sa dalagang saksi sa nagawa niyang krimen. Hindi niya inaasahan ang laman ng regalong bigay sa kanya ng dalaga. Isang bagay na nagpatunay na hindi lahat ng taong nireregaluhan ng ganito ay paiiyakin ng taong nagbigay nito: isang panyo.

Wasak. Este, Wakas.

Ayan mga bata, ngayon ay alam na ninyo na hindi porke't niregaluhan ka ng panyo ng isang tao ay paiiyakin ka ng taong iyon sa hinaharap. Huwag basta-bastang maniniwala sa sabi-sabi dahil ang taong madaling maniwala sa sabi-sabi, chismoso.

...


Sa tuwing nagagamit ng lalaki ang panyong iyon, napapangiti na lamang siya pagkat kanyang naaalala ang isa sa mga nakakahiyang pangyayari sa buhay niya.


: )

Baluktot Na Daan


Dito sa lugar namin, ganito ang napansin kong pinagdaraanan ng sementong kalsada ng Quirino Highway:

Kapag ang sementong kalsada ay may bitak na, lalapatan ito ng aspalto. Kapag nagkaroon na ng bitak o parang napudpod na ang aspalto, bubungkalin ito pati ang semento sa ilalim nito at matapos patagin ang lupa, bubuhusan na ito ng semento. Kapag natuyo na ang semento, lalapatan naman ito ng aspalto. Kapag nagkaroon naman ng bitak o parang napudpod na ang aspalto, bubungkalin na naman ito, pati ang semento sa ilalim nito upang lagyan ng bagong semento. Kapag may bitak na naman ang kalsadang semento, basahin mo na lang ulit ang paragraph na ito.


Hindi ko alam kung kagagawan ito ng mga dumadaang malalaking truck ng semento o sadyang substandard lang talaga ang materyales na ginamit sa kalsadang ito. Pareho man ang dahilan, perwisyo ang siguradong hatid nito sa aming mga taga-Bulacan. Dyan sa inyo, ganito rin ba ang sitwasyon ng inyong kalsada?

Hindi ba nila pwedeng ayusin ang pagpili sa matinong contractor na gagawa ng ganitong proyekto? Ayaw ba nila ng matagalang solusyon sa problemang paulit-ulit na umuusbong? Sabagay, sa bawat proyekto ng local government tulad nito, may budget na makakaltasan ang buwayang kurakot. Hay buhay! Sila dapat ang binunungkal sa pwesto nila e.

Kailan ba natin madaraanan ang matibay at tuwid na daan?

: |

Sports News?


Bukod sa nakakasawang showbiz balita, isa pang bagay na dismayado ako sa nightly TV newscast dito sa Pilipinas ay ang sports news.


Puro na lang kasi si Manny Pacquiao at mga artistahing atleta ang laman ng kanilang balitang pampalakasan. Paano naman 'yung iba? Madalas pang tuwing may laban lang si Pacquiao at ang Azkals nabubuhay ang sports news sa TV Patrol at 24 Oras. Wala silang balita sa iba pang Pilipinong atleta sa iba't ibang larangan ng pampalakasan na lumalahok sa mga patimpalak dito at sa ibang bansa.

Kaya naman kung gusto mo talagang malaman ang mga pinakabagong balita sa mundo ng pampalakasan, manood ka na lang sa sports channel o magbasa sa sports section ng dyaryo dahil wala tayong maaasahang regular sports news sa local nightly TV newscast.

: |

Gloria Resign!


Halos anim na buwan na raw pabalik-balik sa ospital si Rep. Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa umano'y kanyang mga sakit. Dahil dito, ilang buwan na rin siyang absent sa Kongreso. Naisip ko lang, paano na ang kanyang mga nasasakupan?


Bakit hindi na lang mag-resign si Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at hayaang may pumalit sa pwesto niya upang maipagpatuloy ang pagseserbisyo (kung meron man) sa mga nasasakupan ng kanyang posisyon. Tutukan na lamang niya ang kanyang kalusugan para siya'y gumaling na at harapin nang personal ang mga kaso laban sa kanya.

: )

Monday, November 28

Unlimited Rice

Noong sumikat ang Mang Inasal dahil sa kanilang unlimited rice, akala ko'y gagayahin na rin ito ng mga nangungunang food chains sa bansa. Ngunit hindi ito nangyari. Hay.

Nang sakupin ng Jollibee ang Mang Inasal noong nakaraang taon, akala ko'y magiging unlimited rice na rin ang paborito kong 2 pcs. burgersteak meal. Pero hindi pa rin ito nangyari. Hay naku.

Kanin na nga lang, ipinagkakait pa? Bakit ba hindi nila maipatupad ang unlimited rice scheme? Mamumulubi ba sila pag nag-unlimited rice sila? Ang Mang Inasal nga ilang taon nang may unlimited rice pero kita naman natin ang patuloy pa nitong paglaki. Samantalang 'yung mga mas kilala at 'di hamak na mas big time na food chains sa bansa (ehem, Jollibee, ehem, Mcdonald's) ay hindi man lamang ito magawa! Sa isang rice meal, isang cup rin lang ang kanin. Buti pa 'yung Bento, kumpleto.

Alam naman nating malakas sa kanin ang mga kababayan natin. Kaya para sa kapakanan ng mga gutom na tiyan, nananawagan ako sa lahat ng food chains at restaurants dito sa Pilipinas na gawing rice-all-you-can-eat ang kanilang rice meals! Pero dapat walang price increase!

Mas enjoy ang Chickenjoy kapag kanin ay 'di bitin. Ipaglaban ang karapatan mong mag-kanin! Kaya't sabay-sabay nating isigaw ang sigaw ng bayan:

Kanin! Kanin! Kanin!

: )