Ang blog na ito ay Rated G. Ito ay puwede sa lahat ng mambabasa.

Saturday, April 30

SRP

Bumili ako ng fabric conditioner kanina sa tindahan. Ang nakita kong naka-print na presyo sa sachet ay P5 lang ngunit ang siningil sa akin ng tindera ay P6. Di na ko nakipagtalo, baka ako kasi ang matalo. Ganyan ang eksena sa tindihan, iba ang basa ng nagtitinda sa presyo ng kanyang binibenta.

Bukod sa fabric conditioner, nandyan rin ang budget/sakto packs ng sabong panlaba, shampoo, toothpaste, dishwashing liquid, seasoning granules, toyo, suka, patis, ketchup, sarsa, 3-in-1 coffee mix, coffee creamer, at kung anu-ano pang may naka-print na Suggested Retail Price o SRP sa pakete. Pati sa tansan at caps ng softdrinks may SRP rin.

Lahat kasi ng nagtitinda sa mga sari-sari store ay pinapatungan ang orihinal na presyo ng mga produktong kanilang tinitinda upang sila naman ay may kita. Natural lang yun. At dahil sa SRP, nasisiguro naman ng mga mamimili na hindi sobra-sobra ang sinisingil sa kanila ng nagtitinda. Pero weird pa rin dahil sobra ang bayad mo sa presyo ng binili mo.

Dapat kasi SRPR na lang. Suggested Retail Price Range. Kunwari, ang SRPR nung binili kong fabric conditioner ay P5-P6 para hindi na ako nagrereklamo. P5-P7 naman pag small bottle ng softdrinks. Di ba mas masaya yun?

: )

Wednesday, April 27

Ang kasalang pinakahihintay raw ng lahat


Bukod sa daily updates ng training ni Manny Pacquiao para sa nalalapit niyang laban sa May 8, sinimulan na rin last week ng Big 3 (ABS-CBN, GMA, at TV5) ang araw-araw at oras-oras na updates sa tinututukang kasalang royal nina Prince William at Kate Middleton na pinakahihintay raw ng buong mundo. Ahmm... Talaga? Basta ako, hindi kasama sa 'buong mundo' na yan.
Wala namang problema kung ibalita ng Big 3 na ikakasal na ang crown prince ng Great Britain. Tutal, balita naman talagang maituturing ito. Pero yung pagpapalabas nila ng maya't mayang updates, trivia, etc. about the royal wedding pati na rin ang full coverage nito sa April 29 ay sobra-sobra na! Bakit hindi nila tutukan ang ating mga mambabatas na parang walang naipapasang batas? Bakit hindi nila tutukan ang estado ng edukasyon dito sa bansa para matauhan ang mga kinauukulan? Bakit hindi nila tutukan ang mga proyekto (gobyerno man o pribadong sektor) na tumutulong sa ating mga kababayan sa loob at labas ng bansa? Bakit kasalang royal sa ibang bansa pa ang napag-tripan nilang tutukan?
Para bang pinipilit nila sa mga manonood na dapat pakatutukan ng sambayanan ang kasalang ito na sa palagay ko naman ay walang maitutulong sa problema natin sa mataas na presyo ng langis. Kung kasal siguro ni President Noynoy yan, malamang manonood ang ating mga kababayan. Yun nga lang, wala rin itong maitutulong sa mababang sahod ng mga manggagawa.
I have nothing against the royal couple. Gusto ko lang ayusin ng Big 3 ang kanilang paghahatid ng balita. Dapat ang impormasyong binibigay nila ay tama lang at hindi pilit na pilit. May ilan rin kasing international events na tinutukan ng Big 3 ang medyo hindi talaga angkop sa mga Pilipinong manonood. At sa palagay ko, dadagdag lamang sa listahang ito ang sinasabing Royal Wedding of the Century.
Muli, wala akong problema sa mga ikakasal. Hangad ko lang ang makabuluhang pagbabalita dito sa bansa. Para naman sa mga ikakasal, nawa'y maging masaya ang kanilang pagsasama pagkatapos ng engrandeng kasalan.
: )

Monday, April 25

Let's meat again

Sa wakas, natapos rin ang Semana Santa. Pwede na ulit mag-ulam ng pork, beef, at chicken! Pwede na ulit sa almusal ang lahat ng variants ng Lucky Me instant mami! Yehey!

Halos isang linggo rin na isda at gulay ang ulam namin. Yung pansahog sa gulay na pork giniling, pinalitan ng hinimay na gigi. Pati yung lumpia, bangus ang pinalaman. Ramdam na ramdam ko nga ang Semana Santa nitong nakaraang linggo e, hehe. Kapag ordinaryong araw kasi dito sa amin, ang madalas na handa sa hapag ay crispy pata, beef steak, at lechon manok. Pero syempre, joke lang yun. Tuwing may okasyon lang talaga lumilitaw ang mga yan sa lamesa namin. Ang totoong madalas sa amin: chicharon, corned beef, at neck-neck.

Wala naman talagang masama sa pagkain ng isda at gulay. Bukod sa pinasaya mo ang PETA, medyo naalagaan mo pa ang iyong kalusugan. Di hamak kasing mas masustansya itong kainin kaysa karne ng baboy, baka, at manok. Ayon rin sa food pyramid, dapat ay mas marami ang kinakain nating gulay kaysa karne. Dito nga sa bahay, tatlo hanggang limang beses sa isang linggo kung mag-ulam kami ng isda o gulay. Ayos na sana ito maliban sa paminsan-minsang pagluluto ni Papa ng kakaibang ulam na may gulay. Yung tipong hindi masustansya sa paningin. Kaya naman kapag isda o gulay ang niluluto niya, binibiro ko na lang ng "Biyernes Santo tayo ngayon a!" sabay smile.

Siguro kung may Semana Santa buwan-buwan, maraming Pilipino ang may malusog na pangangatawan.

: )

Saturday, April 23

Sunburn

Mahapdi pa rin ang likod ko. Kahit dalawang araw na ang nakakalipas nang mag-outing ang pamilya sa Adventure Resort ay mahapdi pa rin ang likod ko. Ang hirap tuloy matulog! Buti na lang yung pamumula ng mukha ko ay nawala na kahapon.

Hindi kasi ako nag-apply ng sunblock bago tumalon sa pool kaya ang resulta: mahapding sunburn sa likuran. Pati mga kapatid ko, biktima rin nito. Pero balewala yan kung ikukumpara sa mga naranasan naming sunburn dati.

Noon kasi kapag ganitong summer, sa probinsya kami nagbabakasyon. Syempre pa, hindi mawawala ang excursion ng pamilya sa beach! Sa dami namin, dalawang jeep ang kailangan arkilahin. Nakasanayan nang umaga pupunta sa beach at bago dumilim ay uwian na. Ang saya mag-swimming sa beach! Ayos na sana ang day swimming kaso kinabukasan, bukod sa sakit ng katawan ay lumolobong parang napaso ang ilang bahagi ng balat namin sa likuran. Mahapdi na nga, nagtutubig pa ito pag natuklap ang lumobong balat. Matagal din bago ito tuluyang gumaling. Ilang taon rin naming naranasan yan. Kaya para maiwasan ang nakakadiring sunburn, napagkasunduan ng mga nakatatanda na gawing overnight ang taunang outing. Simula noon, sakit ng katawan na lang ang nararamdaman namin pagkatapos mag-swimming. Hay. Nakaka-miss tuloy mag-beach.

Mahapdi pa rin ang likod ko. Mahirap na naman matulog mamaya. Sana sa susunod, night swimming naman para siguradong walang sunburn. Pero kung day time pa rin, maglalagay na ako ng sunblock bago mag-swimming.

Ang kati ng likod ko. Ang hirap tuloy kamutin nito.

: )

Tuesday, April 19

Globe My SUPER TXT ALL

Ito ang tunay na unlimited text! But wait, bago ka matuwa, pinapaalalahanan ang lahat na available lang ito sa mga Globe Postpaid plans.

Sana pati sa prepaid maging available ito.

: )

photo from http://a3.sphotos.ak.fbcdn.net/hphotos-ak-ash4/183709_10150107348879748_30433734747_6429812_4810340_n.jpg

Monday, April 18

Summer na!

Grabe. Ang init. Alas-siyete pa lang ng umaga kanina pero parang alas-diyes na ang alinsangan sa labas. At kahit gabi na, ramdam ko pa rin ang init ng araw.

Kahapon nga habang nasa misa, para kaming nasa loob ng sauna. Nakaupo lang ako pero pinagpapawisan ang bilbil ko. May electric fan nga sa kanto kaso di naman ako inaabot ng hangin nito. Haaay. Gusto ko tuloy ng ice cream at halo-halo.

Opisyal na ngang nagsimula ang summer season sa bansa. Dahil dito, mas madali tayong pawisan at mas prone tayo sa dehydration. Kaya ugaliing uminom ng maraming tubig. Huwag ring magbabad sa ilalim ng araw upang maiwasan ang heat stroke. At dahil sinabi ng PAGASA na magiging maulan ang summer ngayong taon, pinapayuhan ang lahat ng pupunta sa beach na magdala ng payong o kapote para hindi mabasa, sakaling umulan.

Tayo na sa beach! Tayo na't mag-swimming! Bilisan nyo na, gusto kong mag-sunbathing!

: )

photo from http://beautifulandhappy.com/wp-content/uploads/2008/04/chowking-halo-halo.jpg

Tuesday, April 12

Nawillie sa pagsasayaw

Isang buwan na ang nakakalipas nang mapanood ng mga loyal viewers ng Willing Willie ang pagsasayaw ni Jan-Jan na, ayon na rin sa host nitong si Willie Revillame ay mala-macho dancer.

Hindi naman talaga ako nanonood ng Willing Willie. Nalaman ko lang ang nangyari sa mga nabasa kong news articles at posts sa facebook. Sa YouTube ko napanood ang videos na kung saan makikitang pagkatapos ma-interview ay sumayaw ang batang umiiyak sa harap ng nagtatawanang studio audience. Nang matapos ang sayaw ng bata ay nainis ako sa sinabi ni Willie na mala-macho dancer ang ginawa ng bata, sabay abot ng P10,000. Teka, alam ba ng bata kung ano ang macho dancer? At sino ang lintek na nagturo nito dito? Mas nainis pa ako nang pinaulit-ulit pa ng host ang pagsasayaw ng bata na sinamahan pa ng kunwari'y mga nagkakagulong babae, habang umaangat ang bahagi ng entablado. Pagkatapos ko mapanood ang mga ito, naisip ko na lang, bakit hinayaan lang ng pamunuan ng Willing Willie at TV5 na mangyari lahat iyon? Kaya hindi katakatakang marami ang nagreklamo sa MTRCB ukol dito.

Palaging sinasabi ni Willie na gusto lamang niyang magpasaya at tumulong sa mga kapuspalad sa pamamagitan ng kanyang programa. Pero hindi ito maaaring gawing dahilan para pagtakpan ang mga nagawang pagkakamali kapag may kapabayaang nangyari.

Sa kasalukuyan ay pansamantalang nagpaalam sa ere ang programa ni Willie Revillame bilang tugon sa mga naani nitong batikos. Maaari rin daw na hindi na ito bumalik. Hindi na ako magtataka kapag iyon ang nangyari dahil ilang beses na ring nakansela ang kanyang mga programang nasangkot sa eskandalo noon.

Hanggang ngayon, hindi pa rin siya natututo.

: (

photo from http://4.bp.blogspot.com/-uMGMy6wxaHI/TZCGvKVBEnI/AAAAAAAAB1I/hfZpzRf8S1o/s1600/jan%2Bjan%2Bwilling%2Bwillie%2Bepisode.jpeg

Friday, April 1

Watch goalkeeper Rogerio Ceni score his 100th goal


Astig na goalie!

The record-breaking Brazilian goalkeeper scores the 100th goal of his career as Sao Paulo beat Corinthians 2-1.

: )