Anong gagawin mo kapag pakiramdam mong mamamatay ka na?
Isang hapon, pagsakay ko sa bus ay may nakatabi akong isang lalaking balot na balot sa jacket at may dalang malaking bag. Naka-hood sya kaya di makita ang kanyang mukha. Dala na rin ng pagdududa at mga napapanood na tv series tulad ng 24, kinabahan ako dahil sa takot na isang suicide bomber ang aking katabi at bomba ang laman ng kanyang bag. Kahit di mapakali, hindi naman ako nagpahalata dahil baka bigla niyang pasabugin ang dala niyang bomba.
Agad akong nagdasal at humingi ng tawad sa aking mga kasalanan habang umaasang di pa ito ang katapusan. Marami pa akong gustong gawin. May reporting pa ko bukas. Gusto ko muna mag-asawa’t magkaanak. Ayoko pang mamatay. Nasabi ko na lang na “Lord, kayo na’ng bahala sa pamilya ko.”
Nang nagkaroon ng bakante sa may harapan, agad akong lumipat ng upuan at saka nagmuni-muni.
Pero makalipas ang kalahating oras, bumaba yung lalaki, bitbit yung bag niyang malaki. Walang sumabog. Walang bomba. Walang nangyari. Nakarating naman ako nang buhay sa bahay kaya nagdasal na lang ako’t nagpasalamat na buhay pa.
Napapangiti na lang ako sa tuwing naaalala ko ang pangyayaring yun. Ganun pala ang pakiramdam ng mamamatay na. Sana nga lang hindi yun mangyari kahit kailan.
Ikaw, anong gagawin mo kapag pakiramdam mong mamamatay ka na?
: )
No comments:
Post a Comment