A few years back, nauso ang virgin coconut oil sa Pinas sa hindi ko malamang dahilan. Siguro sadya lang talagang sumasabay sa uso ang mga Pinoy. At nakakahiya mang sabihin, isa ako doon sa sumubok ng mahiwagang mantikang ito. Pero hindi dahil sa uso ito noon kundi dahil gusto ko lang matikman yung sweet corn flavor.
Ngunit nadismaya ako sa lasa ng sweet corn flavor. Hindi sya sweet, di lasang corn at wala talagang flavor. Mabango lang. Kaya ginamit ko itong replacement sa baby oil one fine morning. Ipinahahid ko ito sa braso at kamay ko. Pero hindi ako natuwa sa resulta.
Isang oras ang lumipas sa bus ay nagbago ang amoy ng sweet corn flavor sa aking balat. Napalitan ito ng halimuyak ng napapanis na niyog. Ang masama, hindi lang ako ang nakaamoy nito. Puno ng pasahero ang bus na sinakyan ko. Sana nilamon na lang ako ng lupa.
Pagkababa ko sa Philcoa ay agad akong bumili ng alcohol sa Mercury Drug. Pinilit kong tanggalin ang amoy ng panis na niyog ngunit nanuot na ata ito sa balat ko. Sa inis, “Lintik na VCO yun!” ang tanging nasabi ko. Sira ang araw ko.
Sa ngayon, di na masyadong popular ang VCO. Siguro tulad ko, ang mga nakagamit nito’y nag-amoy panis na pan de coco o nag-tae dahil sa pag-inom nito.
Magmula noon, di na ulit ako gumamit ng VCO, kahit pamprito ng itlog.
: )