Ang blog na ito ay Rated G. Ito ay puwede sa lahat ng mambabasa.

Friday, August 10

Sa Parks and Wildlife

Isang araw last July, nagpunta ako sa Parks and Wildlife para maghanap ng unggoy--para sa isa kong subject, kailangan kasi naming i-observe ang behavior nila.

Pagdating ko dun, bumalik ang alaala ko noong huli akong pumunta doon. Matagal na, di ko na maalala. Basta ang natatandaan ko lang e may camping noon.

Teka muna, balik muna tayo sa unggoy. So yun, nagbayad ako ng P5 na entrance fee at naghanap na ng unggoy. Unfortunately, wala akong makitang unggoy. Puro ibon. Ibon na mainggay, ibon na nagsasalita, at mga ibong nilalanggam.

Ang laki ko rin namang ewan dahil hindi ako nagtanong sa mga tao. May dumaan nang dalawang guards na naka-bike pero di pa rin ako nagtanong. Gusto ko kasi, ako makahanap.

Habang naglalakad ako e napadaan ako sa isang medyo pamilyar na lugar. Malapit lang sa lawa. Pamilyar dahil naaalala kong minsan ay nagtayo kami ng mga tent dun. Si Malaya lang yung natatandaan kong kasama ko sa tent dahil kanya yun. Yung iba, di ko na matandaan.

Hay, memories... memories...

Teka, balik ulit tayo sa unggoy. Bale inabot ako nang mahigit 40 minutos bago ko nakita yung mga unggoy--malapit lang sa entrance.

Ay naku! Siguro kung may kasama ako e binatukan na ko nun. Pero ayus na rin dahil nakapasyal at nakapag-ikot ako sa lugar na yun. Marami akong naalala bigla. Yung pagkain naming parang rasyon sa mga nasalanta ng bagyo, mga kulitan, mga gawaing ginawa, mga activities, at kung anu-ano pa...

Ang aking simpleng pamamasyal ay naging malaking pagbabalik-tanaw.

: )

No comments: