Umaga ng Huwebes, Marso 29,
2012, isang money changer ang pinagnakawan ng ilang armadong lalaki sa loob ng
Robinson's Galleria. Isang security guard ang nasawi at marami ang nasugatan sa
sumabog na granada habang papatakas ang mga kriminal. Hanggang sa ngayon ay
hindi pa rin nadadakip ang mga responsable sa naganap na krimen.
Dahil sa nangyari, muling
naghigpit ng seguridad ang iba pang malls. Nasabi kong 'muling naghigpit'
sapagkat napansin ko na sa mga nakalipas na insidenteng sangkot ang mga mall,
holdapan man, pambobomba o may tumalon mula sa 4th floor, ang agaran aksyon ng
mga sekyu ay ang paghihigpit sa entrance ng mall. Automatic yan. Magdadagdag
rin ng security personnel ang mga mall at ang iba'y may bomb-sniffing dogs pa.
Ngunit kailangan pa bang may mangyaring hindi kanaisnais
bago maghigpit ng seguridad? Pansamantalang mararamdaman ng madla ang
kaligtasan hanggang sa matabunan ang issue. At ilang linggo o buwan lang ang
lumipas, balik na naman sa dating gawi ang mga sekyu. Maluwag na naman sa
entrance.
Sundot sa bag dito, kapkap sa baywang doon. Yaan ang madalas
na S.O.P. sa entrada ng malls, government offices, at drug dens. (Hindi naman
kasi lahat ng buildings ay may metal detector at bomb-sniffing dogs.) Pero pag
walang naganap na hold up, bombing o suicide sa nakalipas na dalawang buwan,
sundot-sundot na lang sa bag ang ginagawa ng mga sekyu habang nakikipagchikahan
sa isa't isa. Kahit panatag na ina, hindi mapapanatag.
Isang linggo matapos ang insidente sa Galleria, nananatiling
mahigpit ang seguridad sa mga matataong lugar. Dala na rin ito marahil ng
Semana Santa. Sa susunod na linggo kaya, ganito pa rin kahigpit ang seguridad?
Sa panahon ngayon, wala na yatang ligtas na lugar. Kaya sana
kahit normal na araw, manatiling mahigpit ang seguridad sa lahat ng matataong
lugar. Sana kahit walang camera, masipag pa rin sa kanilang trabaho sina Manong
Guard at Mamang Pulis. At sana lang talaga, kunin na ni Lord ang lahat ng
masasamang loob, small time man o kurakot na politiko.
: )