Ang blog na ito ay Rated G. Ito ay puwede sa lahat ng mambabasa.

Saturday, July 30

Planking

Ngayong linggo lang, tatlong beses akong nakakita ng mga taong nagpa-planking. Nakakatawa sila hindi dahil nakakaaliw ang mga pinaggagagawa nila kundi dahil mukha silang tanga.
Ang planking ay isang gawain kung saan ang planker o taong nagpa-planking ay nagpapakuha ng litrato sa iba't ibang lugar habang nakadapa upang magmukhang plank. Bukod sa planking, mayroon ding owling kung saan owl naman ang ginagaya. Ayon kay Wikipedia, ang planking ay nagsimula noong 1994 o 1997.
At dahil mahilig makiuso ang ilan nating kababayan sa kung ano mang nauuso sa ibang bansa, may mga plankers na rin sa Pilipinas. Nagkalat ang mga litrato nila sa Internet lalo na sa social networking sites tulad ng Facebook. Akala kasi nila, "cool" ito gawin. Tipong "in" sila pag sila'y nag-planking. Pero ang totoo, mukha silang tanga. Ito na nga ang papalit sa mga jejemon.
Anyway, sa mga plankers dyan na hindi talaga maawat at gusto ng unique na planking, bakit hindi mo gayahin yung ginawa ng taong nasa video clip sa ibaba? Tutal hindi siya nagtagumpay at baka ikaw ang makagawa.

Kung hindi mo naman kaya yan, subukan mo kayang mag-planking sa simbahan? O kaya sa may putikan? O kaya sa inidoro? O kaya sa basurahan? O kaya naman sa bubog? O kaya sa nagbabagang uling? O kaya sa kahabaan ng Commonwealth at EDSA? O kaya naman sa sementeryo? O di kaya'y sa loob ng kabaong? Tapos i-upload mo agad sa Internet. Malay mo may makapansin sa ginawa mong kahihiyan at makatanggap ka ng papuri at sangkatutak na panlalait.
: )

Sunday, July 17

Mischief Managed!

Matapos ang walong buwang paghihintay, sa wakas ay nandito na rin ang Part 2 ng Harry Potter and the Deathly Hallows. Sa sobrang excitement, pinamadali ko pa ang kapatid ko para lang maabutan yung 11:10 AM, pero dahil nasa dugo namin ang JASMS, di namin ito inabutan. Buti na lang may 11:40 AM dun sa isang theater. Anyway, pagpasok ko ng sinehan, sabi ko sa sarili ko, "It all ends now!"
: )
After 130 minutes sa aking kinauupuan, ang nasabi ko na lang, "That's it?"
: |
Naiintindihan kong hindi lahat ng mga nakasaad sa libro ay lalabas sa movie adaptation nito. May mga detalye talagang matatanggal pero dapat maiwan yung mga importanteng bagay. Ngunit sa kaso ng 7.2, talagang may natanggal na mga importanteng detalye! Ang bilis pa ng mga pangyayari! But wait, there's more!
Una sa listahan ng mga hindi ko nagustuhan sa 7.2 ay ang Chamber of Secrets scene. Bakit pa ito dinagdag kung yun lang ang nangyari?! Bakit?! Pangalawa, bitin na bitin ako sa fight scenes. Bakit kulang sa aksyon?! Bakit?! Pangatlo, ang nakakainis na katapusan ni Bellatrix Lestrange. Bakit sumabog si Bellatrix?! Bakit?! Pang-apat, kung sisirain rin lang pala yung Elder Wand, sana nadurog na lang ito sa final duel nila Harry at Voldemort. Bakit pinutol?! Bakit?! At huli, parang walang dating yung epilogue. Di ba dapat makulit si James? At bakit masyadong seryoso si Al? Bakit nagkaganoon sila?! Bakit?!
Sa kabuuan, ayos lang yung pelikula. Ayos lang. Hindi maganda, hindi pangit. Ayos lang. Ang nagustuhan ko lang talaga ay ang kwento ni Snape, kahit bitin. Muntik pa nga akong maluha, seryoso. Sana yun na lang ang dinagdagan nila ng eksena.
Masyado siguro akong nag-expect. Pero masisisi mo ba ako? Matagal ko itong hinintay e! Naalala ko tuloy yung Goblet of Fire. Deathly Hallows Part 2 na nga ang pinakahuli sa film series na ito tapos ganito pa ang kinahinatnan. Bakit ganun?! Bakit?!
: (

Tuesday, July 12

Greet All You Can

TANONG: Sa lahat ng local programs sa bansa na hindi news o drama series, ano ang isang bagay na kapansin-pansing pagkakapareho ng mga ito?
SAGOT: Ang batian portion.
Wala namang masama kung bumati at magpasalamat ka sa iyong mga kamag-anak, kaibigan, tagahanga, at sponsors... kung sa dulo ng programa mo ito gagawin. Nakakainis kasi minsan na habang enjoy ka sa panonood ng isang programa ay bigla na lang babati at magpapasalamat yung hosts sa kung sinu-sinong nilalang. At mas nakakainis pa kapag mahaba ang kanilang listahan. Akala mo kandidato sa halalan.
Kung ganyan rin lang pala, gumawa na lang sila ng show kung saan ang tanging gagawin ng hosts, guests, at audience ay bumati nang bumati sa lahat ng kanilang family, friends, fans, and sponsors hanggang ma-cancel ang show. At ang title ng show na ito ay...


BATIAN NA!
Coming Soon
: )

Wednesday, July 6

Byaheng 90's


Kaninang umaga, pagsakay ko ng ordinary bus ay agad kong narinig ang hindi napapanahong tugtugin ng 1990's. Hindi ito mula sa isang radio station dahil walang nagsalitang nakakairitang DJ. Natuwa ako dahil matagal ko nang hindi naririnig ang mga napakinggan kong kanta kanina. Napakanta ako sa halos lahat ng kanta nila Ariel Rivera, Dingdong Avanzado, April Boy, Roselle Nava, Carol Banawa, Gary V., Freestyle, Side A, at marami pang ibang hindi ko na maalala ang kumanta. Naalala ko tuloy na madalas kong marinig ang mga kantang 'yan sa radyo noong bata pa ako. Ang nakakainis lang kanina, hindi buo lahat ng narinig kong kanta! Mula 1st verse hanggang end of chorus lang and then next song na agad! Lintek 'yung nag-burn ng CD! Kung kumpleto lang 'yung mga kanta kanina, mas masaya sana. Nabitin ako e. Ayaw ko pa namang nabibitin.
Paminsan-minsan, subukan ninyong makinig ng mga kantang napapakinggan ninyo noong kayo'y bata pa lalo na ang OPM. Sa halos isang oras kong byahe kanina, sandali akong bumalik sa pagkabata. Marami tayong magagandang tugtugin noon na hindi dapat nababaon sa limot ngayon. Mabuti nga't may naririnig pa akong mga lumang OPM songs sa radyo ng mga pampublikong sasakyan. Hinding-hindi ko tatawaging laos ang mga kantang ito. Mas laos ang mga taong lumilimot dito.
Para sa akin, mas malaman ang mga kanta noon kaysa mga usong tugtugin ngayon. Kung tutuusin nga, mas may kwenta pa 'yung mga OPM songs noong 90's kaysa mga kanta ni Justin Bieber.
: )