Ang blog na ito ay Rated G. Ito ay puwede sa lahat ng mambabasa.

Tuesday, May 31

Maanghang

Kahapon, may nakita akong bumili sa kapit-bahay namin...

BOY: Pabili ngang kikiam, sampung piso.
NAGTITINDA: Anong sauce?
BOY: Maanghang.
NAGTITINDA: Maanghang? Hot sauce?
BOY: Wag yun, maanghang yun.

Anlabo.

: )

Saturday, May 28

Bye Bye Summer

Ayon sa PAGASA, opisyal nang nagsimula ang rainy season sa bansa. Bye bye summer na muna, next year ulit. Pero alam naman nating lahat na likas na mainit sa Pilipinas kaya parang hindi rin natatapos ang summer. Mapapadalas nga lamang ang ulan sa mga darating na araw.

At dahil rainy season na naman, maaari na naman tayong makaranas ng walang habas na pag-ulan dulot ng mga suki nating bagyo mula sa dagat Pacifico. Kaya dapat ay natuto na at handang-handa na ang ating national and local governments, pati na rin ang mga kababayan natin sakali man (pero wag naman sana) muling bayuhin ang bansa ng mga bagyong kamag-anak ni Ondoy.

Ang kagandahan lang kapag ganitong rainy season, lumalamig ang panahon. Masarap matulog kahit hindi gabi.

: )

Thursday, May 26

The Biggest Loser: Pinoy Edition

Sa tagal ng aking paghihintay, sa wakas ay malapit nang magsimula ang The Biggest Loser: Pinoy Edition! Ilang buwan ko na ring inaabangan ang programang ito at sa awa ng management, mapapanood na ito sa Lunes ng gabi.

Pero may isang concern lang ako sa programang ito. Sana lang ay huwag masyadong maging madrama ang local version ng The Biggest Loser. Yung tamang drama lang, wag hardcore. Base kasi sa ilang teaser nito, halos lahat ng contestants ay may madramang kwento sa buhay na siguradong gagamitin sa programa. Sawa na ako sa mga mada-dramang teleserye sa primetime. Hayaan na natin sa kanila ang drama. Dapat ay mas mag-focus ang programa sa pagbabawas ng timbang ng mga kalahok at mga bagay na matututunan ng mga manonood dito.

Oo nga pala, si Sharon pala talaga ang host ng The Biggest Loser. Bagay na bagay. Kaya naman sa palagay ko kapag natapos ang buong programa, tulad ng contestants ay dapat nabawasan na rin siya ng timbang. Nakakatawa naman kung walang nagbago sa katawan niya after 4 months, di ba?

: )

Thursday, May 19

Baka tamaan ng kidlat

Tuwing kumukulog o kumikidlat, bukod sa kailangan patayin ang TV at PC ay kailangan rin i-unplug ang cables ng super antenna (Yes, hindi kami naka-cable TV dahil hindi kami mayaman)at ng modem (Yes, may PC sa bahay pero hindi pa rin kami mayaman) dito sa bahay. Bakit? Dahil baka tamaan ng kidlat yung antenna o kable sa mga poste. Pero bukod pa dyan, may isa namang kakaibang ginagawa ang aking Tatay dito sa bahay kapag nagwawala ang kalangitan. Itinatago o tinatakpan niya ang mga salamin (mirror) gamit ang anumang tela tulad ng towel. Bakit daw? Kasi baka tamaan daw ng kidlat yung salamin. Weird.
Hindi ko alam kung sinong hudas ang nag-imbentong lapitin ng kidlat ang mga salamin. Kahit kasi sa probinsya namin, ginagawa yun kapag kumukulog at kumikidlat sa kasagsagan ng ulan. Yung antenna at mga kable sa poste, matatanggap ko pang posibleng tamaan ng kidlat. Pero yung salamin?! Anong koneksyon? Teka, hindi kaya iisa lang ang nag-imbento nito at ang nagpauso ng mga out-of-this-world pamihiin sa mga baryo? Kung buhay pa siya, sana tamaan siya ng kidlat!
At dahil umulan kagabi, hindi tuloy namin natapos yung episode 12 ng My Girlfriend is a Gumiho. Tapos na mag-buffer yun e! Kainis!
: (

Bagong roaming number


"Musta na kayo dyan? Eto na pala bagong roaming number ko, na-sim block yung dati kong number. Miss you all. Reply asap."
Nakatanggap ka na ba ng ganyang text message from an unknown sender? Ako, oo at maraming beses na. Scam yan pero nakakabahalang may nahuhulog pa rin sa ganitong uri ng patibong. Libo-libong piso ang tinatayang natatangay ng mga kawatan sa ganitong panloloko. Kaya naman para sa kaalaman ng mga hindi pa nakakaalam, ipapaalam ko sa inyo ang modus ng ganitong panloloko upang hindi mabansagang walang alam.
Gamit ang text message sa itaas, magpapanggap ang kawatan bilang isang kamag-anak na nasa ibang bansa. Kapag kumagat sa pain ang biktima at naniwalang kamag-anak nga ang ka-text, aalukin ito ng kawatan sa isang business partnership na siguradong malaki raw ang kita. Kadalasan humihingi ang kawatan ng sangkatutak na prepaid card pin numbers upang ibenta raw nang mas mahal sa mga kasamahang Pilipino dahil doon raw sa kanilang kinalalagyan ay walang nagbebenta ng prepaid cards. Kapag na-enganyo ang biktima ay siguradong susunod ito sa pinapagawa ng inakalang kamag-anak sa paniniwalang malaki ang kikitaing salapi. Ngunit huli na ang lahat pag nalaman ng biktima na naloko pala ito.
Tanong: Paano ko nalaman ito?
Sagot: Sinubukan kong sakyan yung isang nag-send sa akin ng ganyang text message at sa pang-apat na text nya, business na agad ang alok. Pinangalanan ko siyang Kuya Bogart na isang seaman sa Somalia.
Tanong ulit: Paano nakukuha ng kawatan ang cellphone number ng kanyang mga biktima?
Sagot: Hindi ko alam. Pwedeng hinulaan. Pwedeng nakuha sa loading stations. Pwedeng sa likod ng upuan sa bus. At pwede rin namang target na talaga ang biktima.
Ang mga manloloko, gagawin ang lahat para makapanloko. Maging maingat sana tayong lahat. Kaya naman kapag nakatanggap ng text message na katulad ng nasa itaas, huwag na magpaloko at agad mag-reply ng "I-ROAMING MO MUKHA MO! (pagmumura is highly recommended but optional)"

BONUS TEXT JOKE:
GF: Tawagan kita ulit mamaya, papatayin ko muna cellphone ko, nagloloko kasi eh..
BF: Mamatay ka na rin kaya tutal nagloloko ka rin naman.

: )