Ang blog na ito ay Rated G. Ito ay puwede sa lahat ng mambabasa.

Friday, January 28

Epekto ng pagsabog sa bus

Kahapon pagsakay ko ng bus pauwi, napansin ko agad na halos lahat ng pasahero ay nakatingin sa mga bagong salta sa bus, tipong kinikilatis kung may kadudaduda sa amin. Pag may bumababa naman, napansing kong may ilang pasahero na nililingon ang nabakanteng upuan at sinisilip kung may naiwang bagahe sa ilalim nito.


Dahil sa nangyari sa Makati noong Martes, marami ang naging mas maingat at alerto sa paligid. Bigla ring naghigpit ang seguridad sa mga matataong lugar tulad ng malls, train stations, at ngayon pati mga bus terminals. Pero kailangan bang may mangyari munang hindi kanaisnais bago tayo kumilos at mag-ingat?

Totoong mahirap bantayan ang mga pampasaherong sasakyan dahil wala namang guard na nagtutusok-tusok sa bag mo bago ka makasakay. Abala pa nga yun kung tutuusin lalo na pag rush hour. Kaya naman nakasalalay mismo sa mga pasahero, driver, at kunduktor ang kaligtasan ng bawat isa sa loob ng sasakyan. Kailangan ng ibayong pag-iingat. Kailangan maging alerto. Wag ka lang mapapraning.

Sabi nga nila, kung nais talagang gumawa ng masama ang isang tao, gagawa at gagawa ito ng paraan para maisakatuparan ito. Ganyan mag-isip ang mga terorista. Pero kung mahigpit ang pinapairal na seguridad at sapat ang iyong pag-iingat, maaaring maiwasan ang mga hindi inaasahang sakuna.

Huminto ang bus dahil may bababang pasahero. Nilingon ko ang nabakanteng upuan at sinilip kung may naiwang bagahe sa ilalim nito. Nang may ilang pasaherong sumakay, tiningnan ko ang mga bagong salta sa bus at kinilatis kung may kadudaduda sa kanila. Mukha namang wala dahil nakauwi ako nang ligtas.

: )

No comments: