Ang blog na ito ay Rated G. Ito ay puwede sa lahat ng mambabasa.

Saturday, January 29

Talentadong Showtime


Dati, paborito kong panoorin yung Talentadong Pinoy sa TV5 kahit pa alam nating lahat na ginaya nito ang Got Talent. Ito rin ang dahilan kaya napilitan kunin ng ABS ang Got Talent franchise kaya't nabuhay ang Pilipinas Got Talent.

Anyway, maganda ang naging takbo ng Season 1 hanggang sa matapos ang Grand Finals. Nang magsimula ng Season 2, ang daming nagbago. Ngayon, sa tuwing napapanood ko yung Talentadong Pinoy, hindi na Got Talent ang naiisip ko kundi yung Showtime. Seryoso.

Ilan sa mga napansin ko ay, tulad sa Showtime, tuwing nagko-comment ang mga judges, palaging may mga kung anu-anong sound-bites na maririnig. Isa pang nagaya nito sa Showtime ay pwede na sumali ang isang kuponan lalo na ang dance groups. Yung napanood ko nga kanina parang XB GenSan e.

Ang isa pang hindi ko maintindihan sa Season na ito ay yung mga nagwawalang audience. May P10,000 kasi na naghihintay sa isang lucky member ng audience na mapipiling "Reaction of the day" winner. Ayos lang sana pag singing o dancing acts. Pero minsan, kahit spray paint art lang yung act, nagwawala pa rin yung audience. Parang wala sa lugar yung reaction nila. Para lang sa P10,000. Mas maganda sana kung tanggalin na nila yung "Reaction of the day" para maging natural naman yung reaction ng audience. Pilit e. Nakakainis. At kung gusto talaga nilang may manalo ng P10,000, mag-isip sila ng ibang promo na hindi na kinakailangan ang mga hindi natural na reaction. Magpa-sample sila. Hehe.

At least sa Showtime, makikita mo kung nag-enjoy ba o hindi ang audience sa napanood nila.

And speaking of Showtime, babalik rin pala ito sa 10:30 time slot dahil isang bagong noontime show raw ang niluluto ng Dos. Hay, baka ma-Bulaga na naman yan sa ratings at maging Lose na Lose. Hehe.

: )

photo from http://pinoysgottalent.com/files/2010/10/talentadong-pinoy.jpg

Friday, January 28

Epekto ng pagsabog sa bus

Kahapon pagsakay ko ng bus pauwi, napansin ko agad na halos lahat ng pasahero ay nakatingin sa mga bagong salta sa bus, tipong kinikilatis kung may kadudaduda sa amin. Pag may bumababa naman, napansing kong may ilang pasahero na nililingon ang nabakanteng upuan at sinisilip kung may naiwang bagahe sa ilalim nito.


Dahil sa nangyari sa Makati noong Martes, marami ang naging mas maingat at alerto sa paligid. Bigla ring naghigpit ang seguridad sa mga matataong lugar tulad ng malls, train stations, at ngayon pati mga bus terminals. Pero kailangan bang may mangyari munang hindi kanaisnais bago tayo kumilos at mag-ingat?

Totoong mahirap bantayan ang mga pampasaherong sasakyan dahil wala namang guard na nagtutusok-tusok sa bag mo bago ka makasakay. Abala pa nga yun kung tutuusin lalo na pag rush hour. Kaya naman nakasalalay mismo sa mga pasahero, driver, at kunduktor ang kaligtasan ng bawat isa sa loob ng sasakyan. Kailangan ng ibayong pag-iingat. Kailangan maging alerto. Wag ka lang mapapraning.

Sabi nga nila, kung nais talagang gumawa ng masama ang isang tao, gagawa at gagawa ito ng paraan para maisakatuparan ito. Ganyan mag-isip ang mga terorista. Pero kung mahigpit ang pinapairal na seguridad at sapat ang iyong pag-iingat, maaaring maiwasan ang mga hindi inaasahang sakuna.

Huminto ang bus dahil may bababang pasahero. Nilingon ko ang nabakanteng upuan at sinilip kung may naiwang bagahe sa ilalim nito. Nang may ilang pasaherong sumakay, tiningnan ko ang mga bagong salta sa bus at kinilatis kung may kadudaduda sa kanila. Mukha namang wala dahil nakauwi ako nang ligtas.

: )

Saturday, January 22

SMART Unlimited (?!) Calls




May nakita na naman akong tarp ng promo ng SMART, yung SMARTTalk20 Unlimited Calls na tulad ng iba nilang unlimited promo dati ay hindi talaga unlimited. Sa halagang P20, may unlimited calls ka na raw sa up to 6 SMART/TNT friends. Anim lang.


Unli ba tawag dun?

Naalala ko may unli call promo rin sila dati na tuwing madaling araw lang pwede ma-avail, kung kailan tulog ang nakararami. At meron pang isang unli call promo na every 5 minutes naman ay mapuputol ang iyong tawag.


Unli ba tawag dun?


Sana naman sa susunod, panindigan nila yung pagiging Unlimited ng mga Unli promos nila. Dahil kung hindi, Unli pa ba dapat itawag dun?


: )