Ang blog na ito ay Rated G. Ito ay puwede sa lahat ng mambabasa.

Wednesday, April 23

JLo, natabunan ng bigas?

Nakikita niyo pa ba si Jun Lozada? Ako kasi hindi na. Bigla na lang siyang naglahong parang bula. Once in a while nababalita siya pero matatabunan naman ng tungkol sa bigas.

Bigas. Ang pinakamainit na star sa ngayon na daig pa si MariMarian sa kasikatan dahil sa sobrang mahal. Ang dahilan kung bakit nakalimutan ng lahat ang ZTE-NBN scandal. Ang bagay na kailangan ng tiyan na hindi na masikmura ang halaga ng iilan.

Magkano na ba ang kilo ng pinakamurang commercial rice ngayon? Dito sa'min, P32 at P33. Malayung-malayo sa dating nitong presyong P20 pataas.

E magkano naman yung sangkot na halaga doon sa ZTE scandal? $394 Million.

Sa mga halagang nabanggit, alin ang mas may pakialam ka?

Ako? Sa presyo ng bigas.

Nakita mo yung epekto ng pagmahal ng bigas? Kahit ang pinakamabahong anomalyang kinasasangkutan ng gobyerno ay malilimutan mo kapag nalaman mong nagmamahal ang ipapakain mo sa pamilya mo. Malilimutan mong nagnanakaw ang mga matataas nating opisyal sa kaban ng bayan. Malilimutan mong mas masahol pa sa presyo ng bigas ang mga pinaggagagawa nila. Malilimutan mong niloloko ka ng mga taong iniluklok mo sa pwesto.

Sana, kahit mawala si Jun Lozada, wag nating makalimutan kung ano ang naging dahilan ng kanyang paglitaw. Wag rin sana itong mabaon kasama niya sa pagmahal ng bigas.

: (

No comments: