For the third consecutive day, may nakita akong rumorondang pulis sa kalsada ng Quezon City. Ngayon lang yata nangyari yan. May checkpoint pa sila sa iba't ibang lugar at mukha pa silang matatapang dahil sa bitbit nilang mahahabang baril. Pero nasaan sila noong Linggo? Kung hindi pa nangyari ang karumaldumal na Fairview shooting spree, hindi ko pa mararamdamang may pulis pala sa Q.C.
Nakakakita lang ako ng pulis sa Q.C. pagkatapos magkaroon ng holdapan o pagsabog sa mall, kapag may shooting ng teleserye o pelikula, at tuwing may SONA ang pangulo. Yun lang. At pagkatapos ng ilang araw, ayun at naglalaho na lang silang parang mga pulitiko pagkatapos manalo sa eleksyon.
At ngayon, nagbabalik ang mga pulis ng Q.C. pero siguradong for a limited time only! Kapag lumamig na ang issue, siguradong mawawala na rin ang kanilang checkpoints at mahahabang baril. Bahala na si Batman.
Ngunit kailangan ba talagang may mangyari munang masama bago kumilos ang kapulisan? Hindi ba't prevention is better than cure? Anyare sa PNP? Mula pa noon, napapanood natin sa mga teleserye at pelikula na laging sa huli dumarating ang mga pulis. Nailigtas na ng bida ang mundo bago pa dumating ang kapulisan. Pero sa totoong buhay, walang bida na magliligtas ng mundo sa masasamang-loob. Hindi rin dapat sa crime scene lang may pulis. Lalong dapat paigtingin ang police visiblity para maiwasan ang mga hindi kanais-nais na pangyayari. Dapat laging may pulis sa paligid. Dahil kung hindi, mayroon at mayroon pang mamamatay sa kamay ng mga kriminal.
Ayon nga sa kasabihan, aanhin mo pa ang damo kung patay na ang kabayo?
: (