Ang blog na ito ay Rated G. Ito ay puwede sa lahat ng mambabasa.

Sunday, January 29

It's Showtime!

Mukhang Showtime na lang talaga ang pag-asa ng ABS-CBN para maisalba ang kanilang tila'y isinumpang noontime slot. Ito ang ipinapahiwatig ng nalalapit na pagkawala ng Happy Yippie Yehey at kanina nga lang, ang biglaang "Thank You" episode ng Showtime na 1 week palang off-air mula sa Lunes, January 30.

Pero hindi raw dapat malungkot ang mga Madlang People dahil sa February 6 ay magbabalik ito na may bagong pangalan: It's Showtime! Maaaring ito na ang bagong noontime show ng Dos. Maaaring may mapalitan o madagdag na hosts. Maaaring bago na rin ang format (mala-MTB, Wowowee o HYY). At maaaring hindi na rin ito ang Showtime na kinagiliwan ng Madlang People sa nakalipas ng dalawang taon.

Matatandaang Showtime rin ang pansamantalang pumalit sa noontime slot ng kinanselang Pilipinas Win Na Win nang hindi ito pumatok dahil kay Kris Aquino. Nang dumating ang HYY, bumalik sa 10:30 AM slot ang Showtime. At ngayon nga, maaaring muli itong bumalik sa noontime slot para harapin ang hindi matibag na Eat Bulaga.

Good luck na lang sa It's Showtime!

: )

Tuesday, January 3

Buong Mundo

Karamihan ng mga newscaster at reporters sa bansa ay nilalahat ang kanilang pagbabalita. Madalas rin itong gawin ng ilang talk show hosts. Akala kasi nila'y lahat ng ibinabalita nilang sikat na kaganapan ay pinag-uusapan rin ng buong mundo. Ilang halimbawa ng kanilang panlalahat ay ang mga sumusunod:

“Ito na ang pelikulang pinakahihintay ng buong mundo!”

“Talaga namang tinutukan ng buong mundo ang royal wedding!”

“Buong mundo’y ipinagdiwang ang Kapaskuhan!”

Taga-mundo rin kasi ako pero hindi ko hinintay o tinutukan man lang ang ilan sa mga binabalita nila. Pwede naman nilang sabihing “Tinutukan ng ilan nating kababayan ang blah blah blah” o kaya nama’y “Hinintay ng mga fans ang pagdating ni kwan.”

Sana’y hindi nila nilalahat dahil unfair ito sa ibang taga-mundo rin naman.

: |

Holiday Calories

Habang nanonood sa TV, nainis ka nang pumasada ang commercial na may katagang “Tinatago ang taba? Mag-Lesofat!”

Pagsuot mo ng pantalon, agad mong naramdamang hindi nakarating sa dulo ang zipper.

Pagpasok mo sa opisina o eskwela, bati agad sayo'y “Tumaba ka yata?”

Kung nangyari sa'yo ang alin man sa mga nabanggit, wag kang mag-alala dahil natural disaster 'yan. Hindi na baleng lumaki ang tiyan basta't hindi bata ang laman. Napasarap lang naman ang iyong kain, hindi ba?

Matapos kasi ang Noche Buena at Medya Noche nitong nakalipas na dalawang linggo, siguradong bahagyang nadagdagan ang ating mga timbang. Umamin ka. Masamang magsinungaling, kaibigan. Ako mismo'y ramdam kong nadagdagan ng ilang guhit ang bigat ko sa timbangan. Masarap kasing kumain, hindi ba?

Spaghetti dito, pancit doon! Fried chicken dito, crispy pata doon! Adobo dito, hamon doon! Lechon dito, inihaw doon! Leche flan dito, fruit salad doon! Cake dito, ice cream doon! Softdrinks dito, alak doon! Lamon dito, laklak doon! Ang sarap talagang kumain, hindi ba?

Pero syempre, kailangang bumawi this year. Panahon na para mag-gym! Minsan lang naman tayo kumain ng ganyan karami. Minsan rin lang naman masira ang pinaghirapang dyeta. Ngunit kahit minsanan lamang ito, dapat ay palagi pa rin nating pinangangalagaan ang ating kalusugan. Dapat nang simulan ang healthy diet and lifestyle. Tara na't mag-exercise tayo tuwing umaga, tuwing umaga, tuwing umaga!

Kaya naman dahil sa dagdag na timbang dulot ng mga nakain sa handaan, plano ko'y makapagbawas ng timbang sa mga darating na araw upang pagsapit muli ng Pasko at Bagong Taon, pwede na ulit akong tumaba.

Ang sarap kasing kumain, hindi ba?

: )

Sunday, January 1

Taun-taon tuwing sasapit ang bagong taon

Bago ang lahat, nais ko kayong batiin ng MALIGAYANG BAGONG TAON! 2012 na kaya naman nalalapit na ang pagkagunaw ng mundo! Mwahahahahaha!
Anyway, dahil sa December pa muling mauulit ang kasiyahan kagabi, narito ang ilan sa mga taun-taong kaganapan tuwing sasapit ang bagong taon:
  • Matindi ang traffic jam sa mga pangunahing lansangan. Puno kasi ng mga mamimili ang malls lalo na ang department store at supermarket nito. Maging mga palengke malapit sa kalsada na walang nakalaan na parking lot ay nagdudulot rin ng pagsisikip sa daloy ng trapiko.
  • Blockbuster ang mga bus terminals, pantalan at paliparan. Karamihan ng mga pasahero’y daig pa ang OFW sa dami ng bitbit na gamit pauwi sa kani-kanilang probinsya.
  • Kaliwa’t kanan ang guestings ng dakilang Feng Shui experts para sabihing pera ang dala ng Year of the Water Buffalo at mamalasin ka ngayong taon kapag hindi ka bumili ng charms na crystals at nagpagawa ng water fountain sa kusina. Maganda ring mag-franchise ng siomai at kumuha ng life plan.
  • Samu’t sari namang makukulay na bente, singkwenta, sandaan, limandaan, at sanlibo ang makikitang nagpuputukan sa kalangitan habang nalalapit ang pagsapit ng alas-dose. Nakakaaliw sa paningin pero mas mainam kung pinambili na lamang ito ng pagkain at ibinigay sa mga katulad kong walang makain.
  • At siyempre, tadtad ng madugong balita ang radyo’t telebisyon bago sumapit ang bagong taon. Kahit kasi paulit-ulit na magbabala ang mga kinauukulan, paulit-ulit pa ring may napuputukan. Hindi kasi kumpleto ang pagpapalit ng taon sa Pilipinas kapag walang nasusugatan, napuputulan ng daliri, or worst, namamatay dahil sa napaka-child-friendly fire-crackers at iresponsableng gun owners.
Nawa’y ngayong 2012, kumpleto pa rin ang inyong mga daliri, kamay at paa. Dalawang tenga, dalawang mata, ilong na maganda.
Muli, MALIGAYANG BAGONG TAON sa inyong lahat! Live each day like it’s your last dahil ayon daw sa mga Mayan, baka ito na nga ang last.
: )